HETO na naman si Pangulong Aquino, ang walang alam sa buhay ng arawang obrero at mahihirap. Palibhasa’y asendero at hindi dukha, ipinagyabang na naman niya na malakas daw ang ekonomiya sa kanyang termimo.
Teka, ang paglakas ng ekonomiya ay mula sa $26 bilyon remittances ng mga OFW at ito na ang kalakaran sa nakalipas na dalawa-tatlong taon. Mula sa $26 bilyon ay 79 porysento ang iginasta sa consumption, na siya ring produksyon ng GDP.
Ang gobyerno ni Aquino ay gumasta lamang ng 10.3 porsyento habang ang households, o bawat bahay, ay gumasta ng 68.9 porsyento. Wala pa riyan ang kita ng BPO, na humahabol na ang Cebu at Davao cities.
Malinaw na ang OFW at BPO ang nagbubuhos ng bilyones dolyares, at hindi si PNoy.
Marami na akong naisulat hinggil sa lugmok at dugyot ng karukhaan ng mahihirap sa ilalim ng termino ni Aquino. Pero, ang aking naibahagi sa isang dalangin ng ilang grupo noong gabi ng Huwebes Santo sa Marilao, Bulacan ang nagpaiyak sa isang pari. Hindi niya akalain na meron palang ganito ang pamumuhay.
Ang Eukaristiya ng Huwebes Santos ay pagtatalaga sa sarili na tularan si Jesus sa paglilingkod at pagkalinga sa dukha. Ang Eukaristiya ay muling pagsisimula ng pagkusa, sa mataas na antas ay tinatawag na misyon, na tumulong sa isang mahirap na pamilya, kundi man sa maraming mahihirap. Sa aklat ni Malakias, 10porysento ang ibabahagi sa Diyos. Puwede na ang 1.5 porysento sa isang mahirap na pamilya kung ang suweldo ay P30,000 buwan-buwan.
Sina Maria at Mario ay live-in lamang at apat ang anak. Kapwa hindi nagtapos ng high school dahil mula sila sa broken families. Kapwa sila nagtatrabaho sa gabi: si Maria ay GRO sa beerhouse at si Mario ay vendor sa beerhouse at katabing mga beerhouse, naglalako ng manggang hilaw na may bagoong alamang o Iloko at chicharong hangin, at dalawa o tatlong brand ng sigarilyo.
Sa mezzanine ng beerhouse ay may maliliit na kuwarto, na ang tanging kandado sa loob ay de-tulak pa kanan. Siyempre, mula sa porsiyento sa serbesa at kita sa paglalako ay kapos para sa kanilang pamilya. Kaya, ipinipikit na lamang ni Mario kung masusulyapan niya si Maria na hinihila ng lalaki paakyat sa mezzanine para sa panandaliang aliw. O kundi’y si Maria ang humihila sa lalaking galante.
Para kumita ng P600 ay kailangang maka-dalawa o tatlong lalaki si Maria gabi-gabi, at palihim na binibilang ni Mario ang panhik ni Maria sa mezzanine. Uupo si Mario sa sulok at sa ilang hikbi at lulunukin na lamang ang katotohanan na kailangang ibenta ni Maria ang katawan para lamang mapag-aral ang isang anak. Kung kailan magtatagal ito ay depende sa kagandahan ni Maria.
Ang aking pagsasadiwa, pangarap kong marating ang kahit isang evacuation center sa Zamboanga City. Nais kong makapanayam ang matitinong babae, o ilang ginang, na nagbebenta na ng kanilang katawan para lamang may maibili ng pagkain sa paghikab ng paggising sa bagong umaga. Nais ko silang yayaing manalangin dahil alam kong may magagawa ang Diyos para sa kanila pagkatapos madinig ang kanilang hinaing at pagdulog. Lumapit at magtapat sa Diyos at siya’y tutugon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.