NAGBAGO ang ihip ng hangin, kung dala ng bagyong Ambo ay ewan.
Kung dala ng naantig na damdamin ay puwede.
Kung dala ng pusong Pinoy ay toong katangian iyan ng mahihirap, at di ng mayayaman, dahil ang mahihirap ay di mapagmataas dahil hindi naman nila abot ang pamumuhay na mataas at wala silang maipagyayabang.
Noong 2006, balak ni Ruth na i-diborsyo ang napakasipag na asawang si Michael French.
Dahil sa labis na sipag ay wala nang panahon si Michael kay Ruth.
Pero, habang ikinakasa ni Ruth ang diborsyo, noong 2007, sinabi ng mga doktor na may frontotemporal dementia si Michael, isang uri ng sakit sa utak na nginangatngat ang personalidad at pananalita (alam na mga lengguwahe).
Imbes na ituloy ang diborsyo, umiyak si Ruth at kinalinga ang asawa, ayon sa The New York Times.
Pusong mamon? Hindi. Ang pagkamaawain sa lugmok ay likas sa nilalang.Nanawagan sina Senate President Juan Ponce Enrile at Sen. Edgardo Angara (huwag na muna nating tuntunin ang kanilang nakaraan, pero si Enrile ay nagmula sa hirap at anak ng labandera) na ipadama naman ng gobyerno ng Ikalawang Aquino ang awa kay Renato Corona at huwag nang ibunton ang mga kaso ng umano’y katiwalian at pag-iwas sa pagbabayad ng income tax.
Sinabi ni Enrile na walang katibayan na may nakaw na yaman si Corona.
Sinabi ni Angara na sapat na ang parusa kay Corona at kung daragdagan pa ito ay ayaw niyang maniwala na ang gobyerno ay benggatibo (gobyerno, dahil ginamit na ang maraming sangay ng gobyerno para tambakan ng mga pekeng ebidensiya si Corona).
Sumang-ayon si Sen. Chiz Escudero. Pero, mas matindi ang nais ni Sen. Alan Cayetano, ituloy ang mga demanda ay tanggalin ang lisensiya sa pagiging abogado ni Corona.
May ibig bang ipaghiganti si Cayetano? Kapag napakatindi ng galit at pagkamuhi ay ganoon na nga.
Pero, sino ang mas titindi pa ang galit at pagkamuhi kay Ferdinand Marcos? Wala.
Pero, para kay Sen. Jinggoy Estrada, kailangang utusan ni Pangulong Aquino ang Bureau of Internal Revenue na itigil na ang imbestigasyon sa hinalang tax evasion kay Corona.
Kung ang pagbabatayan ay ang mga kalakaran, santambak na ebidensiya ang ibabagsak kay Corona sa anumang kasong isasampa.
Kumilos na ang makinarya ng gobyerno sa bistang impeachment, mas lalong malayang makakikilos ito ngayon dahil wala nang kikilatis at kokontra sa ebidensiya. Ha? Sinong hukom ang magiging patas?
Hindi tanga ang mga hukom sa naganap na bista sa Senado.
Nagtataka lamang sila na bakit nananawagan ngayon ang ilang senador na tantanan na si Corona.
May mga hukom na natatawa lamang sa ilang senador.
Dahil hindi sila mga tanga at alam nila ang susunod na gagawin kapag inilugmok na si Corona.
Pero, mas matatalino ang mga abogadong-bista, na araw-araw ay nakikipagbabag sa mga korte’t piskalya.
Alam nila na kapag dinikdik ang akusado, maraming kaso ang puwedeng isampa at magbibilang sa dami sa bawat kategorya ng kriminal at sibil.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.