PUREFOODS ASINTA ANG 2-0 SEMIS LEAD | Bandera

PUREFOODS ASINTA ANG 2-0 SEMIS LEAD

Barry Pascua - April 06, 2015 - 12:00 PM

purefoods

Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7 p.m. Purefoods Star vs Talk ‘N Text

PUNTIRYA ng Purefoods Star ang 2-0 kalamangan kontra Talk ‘N Text sa Game Two ng best-of-five semifinals series ng 2015 PBA Commissioner’s Cup mamayang alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.

Tinalo ng Hotshots ang Tropang Texters, 100-94, sa simula ng serye noong Miyerkules sa pangunguna ng dating Best Import na si Denzel Bowles na nagtala ng bagong career-high 49 puntos.

Halos hindi napigilan sa Bowles sa pagrehistro ng kanyang bagong record sa PBA. Ang dati niyang record ay 39 na itinala sa Game Seven ng 2012 Commissioner’s Cup Finals kung saan tinalo ng Hotshots (dating kilala bilang B-Meg) ang Talk ‘N Text at nakamit ang korona, 4-3.

Ang Purefoods ay may seven-game winning streak buhat nang matalo sa Barangay Ginebra, 96-87, noong Pebrero 22.

Iyon ang unang laro ni Bowles sa Hotshots matapos na halinhan si Daniel Orton.

Napanalunan ng Hotshots ang huling apat na games ng elims bago dinaig ang Alaska Milk, 2-0, sa kanilang best-of-three quarterfinals series.

Sa Game One ng semis ay agad na pumailanlang ang Hotshots at nanguna, 33-17, matapos ang first quarter. Lumamang pa ang Hotshots ng 21 puntos bago aksidenteng natapakan ni Marc Pingris ang paa ng kakamping si Joe Devance at magtamo ng sprained ankle may 6:54 ang natitira sa third quarter. Hindi na siya nagamit mula roon.

Sa pagkawala ni Pingris ay nawalan ng epektibong bantay kontra Talk ‘N Text import Ivan Johnson na gumawa ng 29 sa kanyang 33 puntos sa second half upang pangunahan ang rally ng Tropang Texters na nakadikit, 88-85.

Pero nakahanap ng tagapagligtas ang Purefoods sa katauhan nina James Yap at Mark Barroca. Gumawa ng limang puntos sa fourth quarter si Yap samantalang nagpasok ng behind the basket shot si Barroca upang muling umalagwa ang Hotshots, 97-89, 47 segundo ang natitira.

Inaasahang makakabalik sa active duty si Pingris mamaya matapos na maipahinga ng limang araw ang kanyang paa.

Ang iba pang inaasahan ni Purefoods coach Tim Cone ay sina Peter June Simon, Alex Mallari, Allain Maliksi at Justin Melton.

Tanging sina Jason Castro at Ranidel de Ocampo ang mga locals na nagtapos nang may double figures para sa Talk ‘N Text sa Game One. Si Castro ay gumawa ng 19 puntos samantalang si De Ocampo ay nag-ambag ng 15 puntos.

Kaya naman hangad ni Talk ‘N Text coach Joseph Uichico na makakuha rin ng kontribusyon kina Larry Fonacier, Jay Washington, Danny Seigle at rookies Louie Alas at Matt Ganuelas-Rosser.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Samantala, tinambakan ng Rain or Shine ang Meralco, 92-82, sa Game Two ng kanilang best-of-five semis series kahapon sa Araneta Coliseum.

Sa pagkubra ng 2-0 bentahe sa serye, lumapit ang Elasto Painters sa isang panalo para umusad sa best-of-seven Finals.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending