NGAYONG darating na Abril, ipagpapatuloy ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang pagtalakay sa Bangsamoro Basic Law.
Ang BBL ang sinasabing pinakamahalagang panukalang batas ng administrasyong Aquino na nais nitong maipasa bago pa tuluyang bumaba sa pwesto ang pangulo sa 2016.
Mismong si Ginoong Aquino ang nagsabi na ang BBL, kapag pormal nang naisabatas, ay siyang tutugon sa dalawang pinakamalalang problema na kinakaharap ng mga Muslim sa Mindanao: Kahirapan at karahasan.
Ang BBL umano ang siyang magbibigay-daan upang maging ganap ang Bangsamoro Autonomous Region, at magkaroon ng pansariling kakayanan at karunungan ang mamamayang Moro.
Ang isinusulong na BBL ay resulta ng mahabang pag-uusap sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng rebeldeng grupong Moro Islamic Liberation Front.
Inakala ng pamahalaang Aquino at ng mga grupong nakapaloob sa usapang pangkapayapaan na sa unang mga buwan ng 2015 ay tuluyan nang maisasabatas ang BBL.
Pero nahinto ito nang mangyari ang trahedya sa Mamasapano, Maguindanao na nagresulta ng pagkakapatay sa 44 miyembro ng Special Action Force. Dahil dito, hindi maawat ang galit ng publiko at nanawagang tuluyang ibasura ang BBL.
Sa kabila nito, nanawagan si G. Aquino sa Kamara at Senado na ituloy ang pagtalakay sa BBL, at kamakailan lang ay bumuo pa ng isang peace council na siyang haharap sa publiko para liwanagin ang mga nilalaman ng nasabing panukalang batas.
Nakalulungkot dahil kung babalikan ang nakaraan, ang BBL, sa simula pa lamang na binabalangkas sa Kongreso ay halos walang nakakarinig sa kung anong klaseng batas ito.
Kung tutuusin, naging mulat lamang ang publiko na meron pa lang ganitong panukala nang pumutok ang Mamasapano tragedy. Ngayon, nagkukumahog si G. Aquino at kanyang mga kaalyado na maipasa ang BBL.
Sa kanyang talumpati, animo’y langit ang ibinibigay ni G. Aquino na mga pangako para sa mga taga-Mindanao. At sino ba naman ang hindi maghahangad ng kapayapaan.
Nagkakaisa ang lahat na ang kapayapaan ay kasing kahulugan ng kaunlaran, pero marami ang dapat na isaalang-alang dito lalu na kung ang pag-uusapan ay ang isinusulong na BBL.
Ang BBL ay hindi maaring ihiwalay sa trahedya sa Mamasapano. Hindi matatanggap ng taumbayan na walang dugo sa kamay ng MILF sa pagkakapaslang sa SAF 44.
Marami ang naniniwala na dahil din sa peace talks kung kayat humantong sa pagkakapatay ng SAF44. Sa muling pagsalang ng BBL sa Kongreso sa Abril, ang taumbayan ay matamang magbabantay sa mga mambabatas kung papaano nila hihimayin ang panukala. Hindi maaaring pumasa ito nang ura-urada dahil lang sa ito ay priority bill ng Malacanang.
Kaisa tayo
ng lahat sa pagpasa ng BBL kung ito ay magbibigay ng tunay at pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao. Kaisa rin tayo sa pagpasa ng BBL kung ang mga mahihirap at aping Muslim sa Mindanao ang tunay na makikinabang sa nasabing panukala.
Habang tinatalakay ng mga mambabatas ang BBL, huwag sanang kalimutan na hustisya pa rin ang isinisigaw ng taumbayan sa pagkakapatay sa SAF 44.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.