BBL o maraming body bags? | Bandera

BBL o maraming body bags?

Bella Cariaso - March 29, 2015 - 03:00 AM

NAGBABALA si Pangulong Aquino na mas maraming bibilangin na body bags kapag hindi naipasa ang isinusulong na panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Ito’y sa harap na rin ng kawalan ng katiyakan kung maipapasa ang BBL matapos naman ang nangyaring pagpatay sa 44 miyembro ng Special Action Force (SAF).

Sa unang anibersaryo ng pagkakapirma ng Comprehensive Agreement on Bangsamoro (CAB), inihayag din ni Aquino ang pagtatatag ng peace council kung saan itinalaga niya sina Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, negosyanteng si Jaime Augusto Zobel de Ayala bilang mga citizen leaders na siyang mangunguna sa isasagawang peace summit.

Sa kanyang talumpati, mismong kay Aquino na nanggaling na nag-iimbita siya ng mga peace advocates para tumulong na kumbinsihin ang mga Pinoy na isulong ang BBL at ang tanging opsyon ng bansa ay ang maituloy ang pakikipag-usap sa Moro Islamic Liberation Front para tunay na makamit ang kapayapaan.

Sa harap kasi ng nangyaring operasyon sa Mamasapano kung saan nasawi ang SAF 44, palaisipan para sa lahat kung maisasabatas pa ang BBL.

Lahat naman ng mga makabayang mga Pilipino ay sasang-ayon na nais nila ng kapayapaan sa buong bansa, partikular sa Mindanao.

Ang hindi naman maiiwasang isipin ngayon lalo na ng mga naulila ng SAF 44 ay baka mabaon na lang sa limot ang pagkamatay ng kanilang mga napatay na mahal sa buhay at wala nang mangyari sa isinusulong na hustisya para sa kanila.

Samantala, sa kanyang talumpati sa harap ng mga nagtapos sa Philippine National Police Academy sa Silang, Cavite noong

Huwebes, nangako si Aquino na pananagutin ang mga nasa likod ng pagpatay ng SAF.

Hindi ba’t kung talagang hustisya ang gusto ni Aquino para sa SAF 44, nararapat lamang na papanagutin kung sino man ang mga nakapatay sa mga commando.

Mas dapat hamunin ni Aquino ang liderato ng MILF na isuko ang mga sangkot sa pagpatay kung talagang nais ng rebeldeng grupo na matuloy ang usapang pangkapayapaan sa gobyerno.

Ngunit base sa inilabas na resulta ng sariling imbestigasyon ng MILF, inabswelto na nito ang mga sangkot sa pagpatay.

Paano ba mapapatunayan ni Aquino ang ipinangakong hustisya para sa SAF 44 kung hindi naman mapapanagot ang mga MILF at iba pang armadong grupo na nakapatay sa mga commando?

Ibig kayang sabihin lamang ni Aquino sa kanyang talumpati ay madiin si dating SAF chief Getulio Napeñas at akuin ang lahat ng pananagutan sa kapalpakan ng Oplan Exodus.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Kung nais talaga ng magkabilang panig na isulong ang kapayapaan sa bansa, dapat ay unahin muna na papanagutin ang sangkot sa karumaldumal na pagpatay at hindi lamang tanggapin ang palusot na nangyari ito dahil sa kawalan ng koordinasyon sa nangyaring operasyon ng SAF.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending