Pareho raw silang nakalimot kaya todo-bigay
Halos maiyak na sa katatawa ang ilang press na nakapanood sa trailer ng “Kimmy Dora & The Temple Of Kiyeme” dahil sa mga pinagsasabi at pinaggagawa ng Asia’s Favorite Actress na si Eugene Domingo .
Hinahanapan kasi ng media si Eugene ng magandang quotes para may ipangtitulo sa write-up kaya’t kung anu-anong topic na ang itinatanong sa kanya tulad ng kissing scene nila ni Zanjoe Marudo na balitang sangkaterba raw at kung hindi ba nagkaroon ng pagnanasa ang komedyana sa guwapo niyang leading man?
“Ang dami ko nang ipinapaliwanag dito tungkol sa modern cameras (nasira raw ang dala nila dahil sa sobrang lamig sa Korea), dedications (sa trabaho), as lights (ilaw), pero panghahalay talaga ang tanong?” birong-seryoso ni Eugene.
“Pero hindi, ang suwerte-suwerte ko talaga kasi si Zanjoe, bigay na bigay (sa kissing scene) walang malisya. Dumating pa ‘yung puntong sumigaw na si direk (Joyce Bernal) ng, ‘Tama na!’, kasi nga hindi pa rin kami tumitigil.
Yung ganu’n kasi nakalimot na ‘ko. Pero itong si Zanjoe, wala talaga, naiintindihan niya ako parang ganu’n,” natatawang kuwento ni Uge.
Dagdag naman ni Zanjoe, “Tapos may nagre-react sa likod na, ‘Ang bait talaga ni Zanjoe (kasi bigay todo sa halikan nila ni Uge)!”
Hirit naman ng komedyana, “Kaya hinanap ko talaga ‘yung nagsabi nu’n, at sinampal ko!”
Ang sagot naman ni Zanjoe kung may naramdaman siyang malisya sa halikan nila ni Eugene, “Siyempre, meron!” Na ikinagulat naman ni Uge sabay sabing, “Ha, totoo ‘yan?”
Kaya naman biglang naghiyawan sa loob ng Dolphy Theater kung saan ginanap ang presscon.
Bigla na namang sumabat si Eugene, “So wala na! Ikaw (Zanjoe) na ang title ng article.
Hindi na ako, kasi mas maganda ang sagot mo!
“Kakainis!” iritang sabi ni Eugene sabay bukaka sa harap ng press people na halos makita na ang kanyang “kaluluwa”! Buti na lang nakasuot siya ng pantyhose.
Kaya hagalpakan na naman ang media.
Samantala, sobrang hirap din pala ang inabot nina Uge sa shooting ng “Kimmy Dora & The Temple Of Kiyeme” sa Seoul, Korea dahil natapat sila sa winter.
Nakakabaliw daw talaga ang sobrang lamig na siya ring naging dahilan kung bakit nga nasira ang camera nila nu’ng first day nila doon.
At ang dahilan kung bakit ngayon lang nagkaroon ng sequel ang “Kimmy Dora”, talaga raw kasing naghanap pa ng magandang materyales ang production para naman hindi sila mapahiya sa manonood.
Mapapanood na ang “Kimmy Dora & The Temple Of Kiyeme” sa June 13 mula sa Spring Films at Star Cinema sa direksyon nga ni Bb. Joyce Bernal at sa panulat ni Chris Martinez.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.