PNoy itinuro ang mga kritiko sa pagpapakalat na siya ay nag-collapse
INAKUSAHAN kahapon ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang kanyang mga kritiko na nasa likod ng pagpapakalat ng tsismis na siya ay nag-collapse noong Biyernes ng hatinggabi.
“Marahil ho narinig niyo ang kumalat na iba’t ibang bersyon ng tsismis ‘nung hatinggabi ng Biyernes patawid ng Sabado. Ang sabi po nag-collapse daw ako sa Malacañang, na may malubha raw akong karamdaman habang ang iba naman ay nagsasabing nasa ICU na ako,” sabi ni Aquino sa kanyang talumpati matapos bumisita sa Tiaong, Quezon.
Ayon pa kay Aquino, konektado ang pagkakalat ng tsismis laban sa kanya sa papalapit na 2016 eleksyon.
“Nang makita nila ako ‘nung Sabado ng gabi na wala namang problema sa kalusugan, may panibagong tsismis na namang lumalabas. Kami raw ang nagpakalat ng kathang-isip na ito para lang makakuha ng simpatya sa publiko,” ayon pa kay Aquino.
Nagsimula ang ulat na nag-collapse si Aquino sa isang reporter ng telebisyon matapos niyang i-tweet ang nakuhang impormasyon kasama ang pagtanggi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na agad namang kumalat sa social media.
“Sa mga naniniwala nga po dito may paalala po sa atin ang nakakatanda: Wala tayong napapala sa tsismis. Talaga naman pong para sa mga pursigido nating kritiko, tila sala init sala sa lamig ang aming sitwasyon. Pagtitiwalaan po ba natin ang mga katunggali natin sa tuwid na daan gayong umaabot na sa sukdulan at walang pakundangan ang pagnanais nilang magdulot ng agam-agam at kaguluhan, pati sa pag-iisip ng publiko,” dagdag pa ni Aquino.
Sinabi pa ni Aquino na ginagawa ito ng kanyang mga kritiko para umano isulong ang kanilang sariling agenda.
“Sila rin po ang mga nagnanais na makuha ang kapangyarihan at makinabang muli sa baluktot na kalakaran. Kung maniniwala tayo sa ipinapakalat nilang tsismis talagang lalabas po na wala tayong ginagawa at mababalewala lang ang lahat ng ating nagawa simula nang tayo’y manungkulan. Pero sinasabi ko po sa inyo ngayon ang totoo, gaya ng lagi kong sinasabi kapag kaharap ko ang ating boss, ‘yan po ay obligasyon; at lagi ring pinatutunayan sa gawa at ito nga po ang totoo,” giit ni Aquino.
Binatikos pa ni Aquino ang mga nagpakalat ng tsismis laban sa kanya gayong hindi naman siya tatakbong muli sa 2016.
“Bakit hanggang diyan umabot na sila? At siguro matanong ko rin sa sarili ko: At alam naman po nilang hindi na ako tatakbo next year, bakit ba pinupuntirya na nila parati akong banatan, banatan, at banatan?” aniya.
Idinagdag ni Aquino na pag-amin lamang ito na kinikilala ng oposisyon na may epekto pa rin ang kanyang pag-eendorso sa 2016.
“So ang trabaho po nila ngayon, lahat ng napagtulungan natin ay gawing balewala para sa ganoong paraan ‘pag nangako silang mas mabuti ang gagawin nila, tila mas madali.
Pero dito po sa Quezon, sa Batangas, sa Laguna, sa Kabikulan, at marami pang ibang lugar, ang Pilipino po ay hindi nauuto ng mga taong hindi totoo magsalita,” sabi pa ni Aquino.
Hindi naman pinangalanan ni Aquino ang kanyang tinutukoy bagamat si Vice President Jejomar Binay ang nangunguna sa pampanguluhang eleksyon sa 2016, samantalang nangungulelat naman ang pambato ng administrasyon na si Interior and Local Government Secretary Mar Roxas.
Sadsad naman ang rating ni Aquino matapos ang kontrobersiya kaugnay ng operasyon sa Mamasapano, Maguindanao kung saan 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) ang napatay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.