ISANG middle distance runner na hindi pa kasapi ng national pool ang nagpasikat nang naabot niya ang Southeast Asian Games bronze medal mark sa pagpapatuloy ng Philippine National Open-Invitational Athletics Championships sa Laguna Sports Complex, Sta. Cruz, Laguna.
Si Marco Vilog, na edad 20-anyos at third year mag-aaral ng Lyceum-Batangas, ay nagtala ng 1:51.60 tiyempo sa 800-meter run at hiniya niya ang national athlete na si Wenlie Maulas na may 1:51.91 oras.
Ang mas mabigat sa ginawa ng 5-foot-10 runner ay nahigitan niya ang 1:51.62 SEA Games bronze medal time na ginawa ni Doung Van Thai ng Vietnam noong 2013 SEAG.
Ito lamang ang event ni Vilog sa trackfest na inorganisa ng Philippine Amateur Track and Field Association (Patafa) at suportado ni Laguna Governor Ramil Hernandez dahil isiningit lamang niya ang pagtakbo dahil finals week sa kanyang paaralan na kung saan siya ay kumukuha ng Business Management.
“Ang training niya ay tuwing weekends lamang dahil sa kanyang pag-aaral. Malaki rin ang sakripisyo niya rito dahil sa heat noong Biyernes agad siyang bumalik ng Batangas para mag-exam. Noong pumasok siya sa finals, dumating siya isang oras bago ang competition, nag-warm-up at tumakbo at nanalo. Malaki talaga ang kanyang potensyal,” wika ng dating two-time SEAG gold medalist sa 400m at ngayon ay isa sa national coach na si Ernie Candelario.
Hindi naman sasama sa Singapore SEAG si Vilog, isang PNG bronze medalist noong nakaraang taon, dahil hindi siya kasama sa ipinatalang manlalaro ng Patafa bukod sa pagnanais na ibuhos ang isipan sa kanyang pag-aaral.
Isa pang umani ng atensyon ay si Kenny Gonzales na dinomina ang men’s javelin throw sa 62.96 meters at tinalo niya ang dating SEAG gold medalist at ngayon ay national coach na si Danilo Fresnido (60.82m) at national pool member Melvin Calano (58.92m).
Mahalaga ang nakuhang panalo na ito ni Gonzales dahil nitong Enero ay tinanggal siya sa national pool dahil sa pagbaba ng performance.
Nakuha naman ng junior athlete ng Perpetual Help na si Francis Medina ang taguri bilang kauna-unahang manlalaro sa
apat na araw na tagisan na naka-break ng record nang ang 14.23 segundo tiyempo sa 110m hurdles ay mas mabilis sa kanyang sariling national record na 14.52 segundo na ginawa sa ASEAN Schools Games noong Disyembre sa Marikina City.
Ang iba pang nanalo ay sina Fil-Am Jessica Barnard sa women’s 3,000m steeplechase (11:34.45), Julius Sermona sa 10,000m run (32:56.53), Johnrey Ubas sa decathlon (6105 points), Mark Harry Diones sa men’s triple jump (15.84m) at Felyn Dolloso sa women’s triple jump (12.43m).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.