Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
3 p.m. Rain or Shine vs Kia
5:15 p.m. Talk ‘N Text vs Alaska Milk
NAKATAYA ang top two spots para sa Rain or Shine at Talk ‘N Text na naghahangad na mapanalunan ang kanilang huling laro sa katapusan ng elimination round schedule nila sa 2015 PBA Commissioner’s Cup kontra magkahiwalay na katunggali mamaya sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Makakaharap ng Elasto Painters ang delikadong Kia Carnival sa ganap na alas-3 ng hapon samantalang kaduwelo naman ng Tropang Texters ang paangat na Alaska Milk sa alas-5:15 ng hapon na main game.
Sa kasalukuyan ay magkasalo sa ikalawang puwesto ang Rain or Shine at Talk ‘N Text sa kartang 7-3 sa likod ng nangungunang Purefoods Star na nagtapos ng may 8-3 kartada.
Kung mananalo kapwa ang Elasto Painters at Tropang Ttexters ay magtatabla sila ng Hotshots at makakamit nila ang top two spots at twice-to-beat advantage sa quarterfinals bunga ng mas mataas na quotient.
Tinalo ng Rain or Shine ang Purefoods, 78-71, sa Dipolog City, Zamboanga del Norte noong Pebrero 14. Subalit natalo sila sa Talk ‘N Text, 86-89, noong Enero 22.
Naungusan ng Hotshots ang Tropang Texters sa triple overtime, 118-117, sa Davao City noong Marso 14.
Kapag nagtabla silang tatlo, makakamit ng Rain or Shine ang unang puwesto sa quotient na plus four. Ikalawa ang Talk ‘N Text sa plus two at babagsak sa ikatlo ang Purefoods sa negative six.
Ayaw ni Rain or Shine coach Joseller “Yeng” Guiao na magkumpiyansa ang kanyang mga bata kontra Kia Carnival dahil sa nagwagi ang mga ito kontra apat na koponang nagkampeon. Ang tanging kampeon na hindi napabagsak ng Kia ay ang Barangay Ginebra.
Kagabi, tinalo ng Barangay Ginebra ang Globalport, 96-80, para mauwi ang ikalimang panalo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.