Dingdong sa eleksiyon 2016: Wala pong plano, at may pamilya akong itataguyod!
AYAW mamatay ang mga balita na ngayon pa lang ay naghahanda na si Dingdong Dantes sa pagtakbo sa susunod na eleksiyon.
Marami ang naniniwala na ang pagpapakasal nina Dingdong at Marian Rivera bago matapos ang 2014 ay isang senyales na sasabak na nga ang GMA Primetime King sa magulong mundo ng politics. Idagdag pa ang pagiging aktibo niya sa mga charity works sa pamamagitan ng kanyang YES Foundation.
Pero sa nakaraang presscong ng bago niyang teleserye sa Kapuso network, ang Pari ‘Koy kung saan gumaganap siyang isang pari, na nagsimula na nga sa GMA Telebabad kagabi, wala talaga sa plano niya ang tumakbo sa kahit anong posisyon sa 2016.
“Wala po. Ako po, basta po ako e, mahalaga ang maninilbihan ako sa aking parokya,” natatawang pahayag ni Dingdong na ang tinutukoy nga ay ang karakter niya sa Pari ‘Koy bilang si Fr. Kokoy.
“Maninilbihan ako sa aking parokya, na tuluy-tuloy pa ang misa. At may pamilya pa akong itataguyod,” sey nito.Sa isa pang interview kay Dong, nauna na nitong sinabi na ang priority niya ngayon ay ang kanyang asawa at ang pagbuo ng sarili nilang pamilya.
Kaya sa lahat ng nangungulit kung sasabak ba siya sa 2016 elections, ang paulit-ulit na sagot ni Dingdong, wala silang plano.
Samantala, natanong din ang aktor kung sa totoong buhay ba ay pinangarap din niyang maging pari, “Hindi, pero nagkaroon ng time na nag-role-playing ako na pari.
Parang may time na nagmimisa ako kunyari ‘tapos yung mga kalaro ko yung mga kapatid kong bata, ‘tapos yung ostiya, alam mo yung Haw Flakes,” chika ni Dingdong.
Ang pangarap noon ni Dong ay ang maging sundalo kaya nu’ng sumabog ang issue sa SAF 44 , matindi rin ang naging epekto sa kanya “Grabe, grabe! E, lolo ko pulis, e.
So talagang ramdam na ramdam ko yung pagdadalamhati nila.” Ano ang komento niya sa isinasagawang imbestigasyon sa kaso ng SAF 44? “Well, I think they’re gonna come out with the result of the investigation soon, so iyon na po ang antayin natin.”
Tiyak namang inabangan ng fans ni Dingdong ang pagsisimula ng Pari ‘Koy sa GMA Telebabad kagabi dahil talagang na-miss nila ang aktor pagdating sa pag-arte.
At siguradong hindi na sila bibitiw sa kuwento dahil sabi nga ni Dong, ito’y may kurot sa puso at mas magpapatatag sa pananampalataya ng bawat Pilipino sa Diyos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.