Duterte ipinaaaresto ang mga magulang ng mga street kids
IPINAG-UTOS ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang pag-aresto sa mga magulang na nagpapabaya sa kanilang mga anak, dahilan para sila magpagala-gala sa lungsod matapos namang tatlong bata ang nakitang natutulog sa ilalim ng isang kotse madaling araw noong Marso 5.
Ipinaaresto ni Duterte ang mga magulang ng mga bata noong Huwebes.
Kasabay nito, inatasan ni Duterte ang lahat ng mga kapitan ng barangay na damputin ang mga bata at mga menor-de-edad na pagala-gala sa mga kalye na nasasakupan nila at arestuhin ang mga magulang na mabibigong alagaan ang kanilang mga anak.
“So that now, no children can be seen on the streets,” sabi ni Duterte.
Niliwanag naman ni Duterte na hindi aarestuhin ang mga bata.
“I will not arrest the children because children can’t be arrested but it is the inherent responsibility of government to take care of people who can’t take care of themselves,” ayon pa kay Duterte.
Aniya, may pitong mga shelter sa Davao City na maaring pagdalhan ng mga bata.
Nauna nang nagalit si Duterte matapos makita ang tatlong bata na natutulog sa ilalim ng isang kotse na nakaparada sa gilid ng kalsada sa kabila na alanganing oras na.
“I was passing by Barrio Obrero at around 3 a.m., when I saw people turning their flashlights under the car parked near the road,” sabi ni Duterte.
“Three children were there sleeping under the car, I was angry. I ordered the police to bring the children to a shelter and go arrest their parents,” dagdag ni Duterte.
Kabilang sa mga nahaharap sa paglabag sa Republic Act 7610 ay sina Marilyn Tambalangon, single mother ng walong-taong-gulang na batang lalaki at limang-taong-gulang na batang babae na natutulog sa ilalim ng kotse at ang mag-asawang sina Alexander at Maricel Arbulado, ang magulang ng anim-na-taong gulang na lalaki na kasamang natutulog ng mga anak ni Tambalangon. Inquirer.net
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.