Kris bumanat muli sa mga kritiko ni PNoy: Di n’yo siya kayang pabagsakin
“Buong tapang kong ipamumukha na hindi nila kami mabubuwag.”
Ito ang mataray na mensahe ng bunsong kapatid ni Pangulong Aquino na si Kris Aquino, partikular sa mga nanawagan ng kanyang pagbibitiw matapos naman ang pagpatay sa 44 mga miyembro ng Special Action Force (SAF).
Inamin naman ni Kris na ilang araw pagkatapos ng nangyaring operasyon sa Mamasapano, Maguindanao ang pinakamahirap at pinakamasakit na parte ng kanilang buhay sa harap naman ng mga pagbatikos sa kanyang kapatid.
“It was a difficult time for all of us, and there were nights I’d be crying while texting with my Kuya. Meron akong isang post na nakita, nasa kabaong sya, si PNoy, at umiiyak ako—phinoto shop yun from the time our Mom was in Manila Cathedral.
I told my brother, napakahirap ang manahimik lalo na pag ang mahal mo sa buhay ang winawalanghya,” sabi ni Kris sa kanyang mensahe matapos dumalo sa pagdiriwang ng Women’s Month ng Quezon City Police District.
Nagawa namang magbiro ni Kris kaugnay ng kanilang naging relasyon ni Quezon City Mayor Herbert “Bistek” Bautista sa pagsasabing hindi siya pumunta roon para magsumbong.
“Sayang, kung nagkatuluyan kami, sobrang bongga sana ng mga programs that I could have initiated with the private sector to help QCPD, most especially for your spouses and children. Pero, oh well, move on, move on na tayo,” sabi ni Kris.
Idinagdag ni Kris na pinayuhan siya ni Aquino na maging matatag at titigil din ang mga akusasyon laban sa kanila kapag lumabas na ang katotohanan.
“Lahat ng masasakit na salita at personal na pambabatikos hindi ko lang haharapin kungdi buong tapang kong ipamumukha na hindi nila kami mabubuwag. Pamilya kaming nagmamahalan,” aniya.
Iginiit pa ni Kris na bagamat hindi perpekto ang kanyang kapatid, ipinagmamalaki niya ito sa kanyang pagiging tapat at pagiging maaasahan.
“Kaya kong ipagmalaki sa lahat, na ang Kuya ko, tapat, maka-tao, hindi mapang-abuso, humble, sincere, and above all else, trustworthy. Hindi siya perpekto, si Pangulong Noynoy Aquino. Inalagaan at pinalago niya ang kaban ng bayan. Walang binulsa,” sabi pa ni Kris.
Matatandaang ipinagtanggol ni Kris ang kanyang kuya sa mga banat sa kanya sa social media kung saan inaway niya maging kapwa artista.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.