MRT parusa na lang araw-araw | Bandera

MRT parusa na lang araw-araw

Bella Cariaso - February 22, 2015 - 03:00 AM

NITONG nakaraang mga araw, sunud-sunod na naman ang aberyang nangyayari sa MRT. At ang nakikitang solusyon ng DOTC ay pagpahingahin daw muna ang mga tren.

Kamakailan ay inihayag ni MRT general manager Roman Buenafe na inaprubahan na ni Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya ang kanyang panukala na magtakda ng oras para hindi magbiyahe ang mga tren para umano maayos ang kinakailangang ayusin sa MRT.

Sa ilalim ng plano, isasara ang operasyon ng MRT simula alas-9 ng gabi tuwing Sabado at magbubukas naman ito ng Linggo ng alas-12 na ng tanghali.

Bukod kasi sa iilan na lamang ang tumatakbong mga tren ng MRT, lagi pang nasisiraan ang mga tren.

Hindi ba nitong nakaraang linggo, tatlong pasahero ang nasaktan nang biglang nag-brake ang tren ng MRT. Mistulang para raw mga domino ang tao nang dagli itong nag-brake. Tapos kada-araw simula noong Martes ay ilang beses itong nagkaaberya dahilan para maabala nang husto ang mga pasahero nito.

Tumaas na nga ang pamasahe sa MRT, heto’t malilimitahan pa ang operasyon nito.

Noong una, tiniyak pa ng Malacañang at ng DOTC na magdudulot ng mas magandang serbisyo ang MRT fare hike ngunit taliwas naman ito sa nangyayari.

Sa desisyon ng DOTC at ng pamunuan ng MRT na limitahan ang operasyon ng tren, wala na namang magagawa ang mga mananakay kundi bumuntung-hininga na lamang.

Sa araw-araw na kalbaryong dinaranas ng mga pasahero para lamang makasakay ng MRT, ang iisang tanong nila ay kailan kaya ito mababago?

Wala kasing alternatibong paraan ang mga mananakay kaya nagtitiis na lamang sa MRT para lamang makarating sa kanilang pupuntahan.

Sa sobrang trapik kasi sa Metro Manila lalo na sa kahabaan ng EDSA na tila wala na ring solusyon, walang magagawa ang publiko kundi magtiis sa MRT.

Sa mangyayaring tigil operasyon ng MRT ng ilang oras, walang magagawa ang mga sumasakay ng tren na mag-bus na lamang tuwing umaga ng linggo para lamang makapasok at umabot sa kanilang pupuntahan.

Sakaling ipatupad nga ang plano, ang magagawa na lamang ng mga pasahero ay maghintay na lamang na ibalik ang normal na operasyon ng MRT.

Wala pa nga ang Mahal Na Araw ay dagdag pahirap na ito sa mga pasahero.

Dahil bago pa lamang si Mr. Buenafe na nakaupo bilang general manager ng MRT, umaasa ang mga pasahero na mas magiging maayos ang operasyon ng mga tren para naman maging sulit ang pagtaas ng pamasahe.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Bukod dito umaasa pa rin ang mga pasahero na papaboran ng Korte Suprema ang mga petisyon na kumukuwestiyon sa legalidad ng fare hike at ibalik ang pamasahe sa dating mga presyo nito.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending