Payo kay Enrique: Bilisan ang panliligaw kay Liza
WALA nang bitawan ang TV viewers sa mas gumagandang takbo ng kwento ng romantic drama series ng ABS-CBN na Forevermore.
Sa katunayan, naging pinakapinanood na TV program sa buong bansa noong Lunes (Peb. 9) ang teleseryeng pinagbibidahan nina Enrique Gil at Liza Soberano.
Base sa datos mula sa Kantar Media, humataw ng national TV rating na 28.7% ang “Forevermore Something New” episode na naging trending topic rin sa Twitter dahil sa mga nakagugulat na pagbabago sa buhay ni Agnes (Liza) dalawang taon matapos ang nakalulungkot na paghihiwalay nila ni Xander (Enrique).
Ngayong umuusad na ang buhay ni Agnes bilang estudyante sa Maynila, makikilala niya ang kaeskwelang si Jay (Diego Loyzaga) na mistulang magbibigay ng pagbabago sa kanyang bagong buhay.
Makatutulong ba si Jay sa pag-move on ni Agnes mula sa malungkot na nakaraan nila ng kanyang first love na si Xander?
Anong gagawin ni Agnes sa sandaling magkrus muli ang landas nila ni Xander? Handa ba siyang bigyan ng pangalawang pagkakataon ang kanilang pag-iibigan? O, tuluyan na niya itong makakalimutan dahil sa pagdating ng bagong lalaki sa kanyang buhay?
Sa mga susunod na episode ng Forevermore, tiyak na mas mai-in love at mas mai-inspire kayo sa mga eksena nina Enrique at Liza, lalo na kapag muli silang nagkita matapos ang mahabang panahon na hindi sila nagkasama.
Huwag palampasin ang Forevermore gabi-gabi, pagkatapos ng Dream Dad sa ABS-CBN Primetime Bida. Samantala, marami ang nagdarasal at umaasa na magiging magdyowa talaga sa tunay na buhay ang dalawang Kapamilya stars.
Bagay na bagay daw kasi sina Enrique at Liza, bukod sa parehong malakas ang karisma sa madlang pipol, nagkakahilahan pa sila pataas para mas bumongga ang kanilang mga career.
Kaya wish ng kanilang fans, hindi lang pang-TV ang kanilang pag-iibigan, sana raw hanggang sa likod ng mga kamera. Advice nga ng mga netizens kay Ernqiue, bilis-bilisan ang panliligaw dahil baka maunahan pa siya ng iba.
Sabi pa nga ng isang kapitbahay namin na mababaliw yata kapag may na-miss na episode ng Forevermore, “Natural na natural kasi ang akting nila, hindi OA tulad ng sa ibang teleserye.
Makatotohanan ang mga eksena kaya nakaka-relate ang mga viewers.” Dagdag pa nito, “Tsaka gustung-gusto ko si Enrique, parang ang sarap-sarap niyang maging anak!”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.