Hustisya sa 44 | Bandera

Hustisya sa 44

Editoryal - January 30, 2015 - 08:10 PM

NITONG Linggo ng madaling araw, sa bayan ng Mamasapano, Maguindanao, ginulantang na lang ang lahat nang mapatay ang  44 miyembro ng PNP Special Action Force (SAF) habang 12 iba pang pulis ang malubha namang nasugatan.

Ang mga pulis na napatay at mga nasugatan ay kabilang sa operating unit ng SAF na magsasagawa ng pag-aresto sa dalawang tinaguriang terorista na sina Bangsamoro Islamic Freedom Fighters  (BIFF) commander Basit Usman at Malaysian Zulkifli bin Hir, alyas Marwan.

Ang dalawa ay nasa most wanted terrorist list ng Estados Unidos.  May patong sa ulo si Marwan na nagkakahalaga ng $5 milyon habang si Usman naman ay $2 milyon.

Lehitimo ang operasyon ng SAF dahil sa kanilang gagawing pag-aresto, bitbit ng mga ito ang warrant of arrest para sa dalawang terorista.

Pero kalunus-lunos ang nangyari sa mga miyembro ng SAF habang isinasagawa ang kanilang operasyon. Sa larawan na kumalat sa social media, hindi simpleng pagbaril ang ginawa sa mga pulis; ilan sa kanila ay sabog ang mga mukha habang putol din ang bahagi ng kanilang mga katawan.

May ulat din na may napugutan ng ulo at ang iba naman ay hinubaran pa ng kani-kanilang mga suot.  Pati cellphone, baril at ilan pang mga gamit ang nawawala.

Kung kalunus-lunos ang nangyari sa 44 na napatay na miyembro ng SAF, nakasusulasok naman ang mga pahayag ng mga kinauukulan.  Parang inaalo ng kendi ang mga pamilya ng mga pulis na nagbuwis ng kanilang buhay.

Sa halip na unahin ang pagtiyak na makakamit nila ang hustisya, wala kang maririnig sa mga ito kundi ang mga benispisyong matatangap ng pamilya tulad ng funeral arrangement, tulong pinansiyal at pagbibigay parangal sa mga pulis na namatay.

At sino ang hindi magagalit sa  paulit-ulit na sinasabing walang koordinasyon ang ginawa ng SAF sa Moro Islamic Liberation Front (MILF)?

“Masusunog” ang gagawing pag-aresto kung ipapalalam pa ito sa MILF dahil halos lahat ng mga rebelde sa nasabing lugar na pinagtataguan ng dalawang terorista ay magkakamag-anak at magkakakilala, at maaari itong itimbre sa mga miyembro ng BIFF na nagbibigay ng proteksyon sa dalawang terorista.

Isa pang nakagagalit ay nang sabihin pa ng mga magagaling na opisyal na misencounter ang nangyari. Sa dami ba naman ng namatay na pulis, hindi ba puwedeng sabihing ambush ang nangyari?

Nakakukulo rin ng dugo ang ginawang pagpapalutang na ang nasabing operasyon ay dahil sa reward money na naghihintay kung sakaling madakip ang dalawang terorista.

Higit sa lahat, imbes na hustisya ang itampok sa pagkakapatay sa 44 na pulis, paulit-ulit din ang sinabing makaaapekto ang pangyayari sa peace talks na isinasagawa ng pamahalaan sa MILF.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Tama naman na sabihing mahalaga ang peace process sa pagitan ng pamahalaan at MILF pero higit sigurong magiging makabuluhan o mahalaga ang isinusulong na usapang pangkapayapaan kung uunahin muna ang hustisya para sa mga pinaslang na pulis.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending