SA pagkakabunyag ng kontrobersiya hinggil sa pagtatago sa tinatayang 100 street families matapos ang pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas noong Enero 15 hanggang Enero 19, hindi naman magkandatuto si Social Welfare and Development Secretary (DSWD) Secretary Corazon “Dinky” Soliman kung paano ito lulusutan.
Kahit pa kasi anong alibi ang gawin ni Soliman at ng Malacañang, wala namang maniniwala sa dahilang kanilang ibinibigay.
Mabait lamang talaga ang mga Pinoy pero lahat naman ay kumbinsido na talaga namang “winalis” ang mga pamilyang sa kalsada nakatira sa palibot ng mga daraanan ni Pope Francis para hindi masakit sa mata.
Ang palusot ni Soliman, sumailalim sa seminar ang street families mula Enero 14, isang araw bago dumating si Pope Francis at hanggang Enero 19, ang araw kung saan umalis ang Papa pabalik ng Roma.
Hindi pala ito ang unang pagkakataon na ginawa ng DSWD ang pagtatago sa mga pamilya sa lansangan. Kasi ba naman base sa mga nakapanayam na mga pamilyang isinama sa resort sa Nasugbu, Batangas, itinago na rin pala sila ng gobyerno noongganapin sa bansa ang World Economic Forum noong Mayo, 2014.
Hindi tuloy maiwasang ikumpara ang ginagawa ni Soliman noong panahon ni dating First Lady Imelda Marcos kung saan tinatakpan ang mga tirahan ng squatter para hindi masakit sa paningin kapag merong mga international events na ginagawa sa bansa noong administrasyon nila.
Ang nakakaloka lamang kay Secretary Soliman, buking na buking na nga gusto pang magpalusot. Ginagawa niyang tanga ang mga Pilipino.
Pati ang Malacañang, todo depensa kay Soliman, sa pagsasabing nagkataon lamang na natapat ang ginawang seminar ng DSWD para sa mga street families sa pagbisita ni Pope Francis dahil regular namang ginagawa ito ng kagawaran.
Hindi biro ang ginastos ng DSWD para itago ang mga street families. Milyon-milyong piso rin ang ginastos para rito na maaaring nagamit na lamang para sa ibang layunin.
Kung seryoso kasi ang DSWD na tulungan ang mahihirap, dapat ay ginamit na lamang ito para sila bigyan ng maayos na tirahan o mapagkakakitaan.
Taliwas din ang ginawang pagtatago ng DSWD sa pahayag ni Pope Francis na dapat kalingain ang mga mahihirap imbes na ikahiya ng gobyerno.
Nahihiya ba ang gobyerno kay Pope Francis na pagala-gala pa rin ang mga street families sa palibot ng Metro Manila?
Imbes kasi na nabigyan ng pagkakataon ang mga mahihirap na pamilya na humingi ng basbas kay Pope Francis nang mabigyan sila ng lakas ng loob at panibagong pananampalataya, ipinagkait sa kanila na makasama ang Papa.
Ayaw mang amining ng gobyerno, nagpapakita lamang ng pagiging hipokrito ang ginagawang pagtatago sa mga street families.
Habang ang mga opisyal ng Malacañang ay humihingi ng basbas sa Papa, hayun at itinago naman pala ang mga mahihirap na pamilya dahil lamang ayaw nilang maging eye sore sa pabisita ni Pope Francis. Tsk. Tsk. Tsk…..
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.