MAGADANG araw sa Aksyon Line. Five months na po na buntis ang misis ko at sa darating na Mayo na siya manganganak.
Gusto ko po sana na maalagaan ang aking misis sa kanyang panganganak lalo pa at excited na ako na makita ang aming anak .
Ang problema lang po ay baka hindi ako payagan ng aking employer na makapag leave ng kahit man lamang isang linggo para mabantayan ko ang aking misis. Sana po ay masagot ninyo ang aking katanu-ngan. Salamat po.
Raymond Jay Padlan
A-76 Bangus St., Kapitbahayan, Navotas City
REPLY: Para sa iyong katanungan Mr. Padlan, maaari kang makapag-avail ng Paternity leave.
Ang paternity leave ay pinagkakaloob sa lahat ng kasal na lalaking manggagawa sa pribadong sector, ano pa man ang kanilang estado bilang manggagawa.
Layunin ng Paternity Leave ay magkaroon ng pagkakataon ang asawang lalaki na maalagaan o mabantayan ang kanilang misis haban ito ay nagpapagaling/ nagpapalakas at sa pag aaruga ng kanilang bagong silang na sanggol.
Ang benepisyong paternity leave ay maaaring ma-gamit ng empleyadong lalaki sa unang apat na panga-nganak ng legal na asawa na kanyang kapisan. Para sa layuning ito, ang “pakikipagpisan” ay tumutukoy sa obligasyon ng asawang babae at asawang lalaki na magsama sa iisang bubong.
Kung ang mag asawa ay hindi pisikal na magkasama sa bahay dahil sa trabaho o lugar na pinagtatrabahuhan, may karapatan pa rin ang lalaking mangggawa sa benepisyong paternity leave.
Ang paternity leave ay sa loob ng pitong calendar days, na binubuo ng basic salary at mandatory allowances na itinakda ng Regional Wage Board, kung mayroon man, at hangga’t, maaari, ang kanyang sweldo ay hindi bababa sa itinakdang minimum wage.
Ang paggamit ng paternity leave ay pagkatapos ng panganganak, nang hindi sumasalungat sa patakaran ng maypagawa na pahintulutan ang manggagawa na gamitin ang nasabing benepisyo bago o mismong sa araw ng panganganak , ngunit dapat na ang kabuuang bilang ng araw ay hindi hihigit sa pitong araw para sa bawat nasasaklaw na panganganak.
Ang lalaking manggagawa ay dapat magsumite ng aplikasyon para sa paternity leave sa loob ng risonableng panahon mula sa inaasahang petsa ng panganganak ng kanyang asawa, sa loob ng palugit na itinakda ng mga alituntunin at mga regulasyon ng kumpanya, o sa pamamagitan ng collective bargaining agreement. Sa kaso ng pagkakaunan, ang paunang aplikasyon para sa paternity leave ay hindi kinakailangan.
Dir.Nicon Fameronag
DOLE Spokerperson/
Director for
Communication
Department of Labor and Employment
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa [email protected], [email protected] or [email protected].
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.