MAYROON palang mga teacher sa mga pampublikong paaralan na hindi nakuha ang kanilang Performance Based Bonus noong 2014.
Hindi naibigay bago mag-Pasko kaya naipangutang na.
Noong Setyembre pa nabalitaan ng mga guro ang kanilang matatanggap na PBB, na siyang bonus ayon sa kanilang ipinakitang dedikasyon sa trabaho noong 2013.
Ang PBB na dapat ay kanilang natanggap ay bukod sa Productivity Enhancement Incentives na nagkakahalaga ng P5,000 at ibinigay sa lahat ng empleyado ng Executive department.
Ang halaga ng PBB ay P35,000 pababa. Ang pinakamagaling ay nakakuha ng pinakamalaking halaga.
Noong Oktubre sabi ng DepEd, nakahanda na ang pondo para sa PBB.
Pero bakit ganun, marami pa rin pala ang ngumanga lang nitong Disyembre. Ang PBB na ito ay ang pinaghirapan ng mga guro noon pang 2013.
Nabuhay na naman tuloy ang mga pagdududa na pinakita muna sa bangko ang pera kaya hindi ibinigay sa mga teacher. Totoo man ito o hindi, ang Commission on Audit na ang dapat na umusisa.
Hindi rin naman siguro totoo ang tsismis na baka walang pera ang gobyerno kaya hindi maibigay ang PBB. Bago natapos ang taon ay humingi pa nga ang Malacanang ng dagdag na P22.5 bilyong supplemental budget.
Sa deliberasyon ng budget, sinabi pa nga ng National Treasury na P28 bilyon ang sobrang pondo kaya nais itaas ng DBM ang hinihinging dagdag pondo subalit hindi na ito pinagbigyan ng Kongreso.
Tanong ng mga public school teacher, kung sobra-sobra ang pera ng gobyerno bakit hindi maibigay ang kanilang PBB?
Wala na nga raw salary increase ngayong taon, pati ba naman ang bonus ipinagkakait pa.
Malapit na raw maglabas ang Korte Suprema ng desisyon sa disqualification case laban kay dating Pangulong Joseph Estrada, na ngayon ay alkalde ng Maynila.
Mukhang tagilid daw si Erap sa kaso kaya marami ang nagtatanong kung sino ang uupo kapag bumaba siya.
(Pag nagkataon, take two na ito kay Erap. Ang una ay ng masipa siya sa Malacanang noong EDSA People Power 2).
May nagpalutang na si dating Manila Mayor Alfredo Lim ang uupo.
Ang disqualification case ay nakabase raw sa sa desisyon ng Sandiganbayan Special Division sa plunder case ni Estrada. Don sa nasabing hatol ay kasama na bawal si Erap na muling makatakbo, bagamat. Ang siste wala namang kumuwestyon sa kanya nang siya ay tumakbo sa pagkapangulo noong 2010.
Sabi naman ng iba, si Vice Mayor Isko Moreno ang dapat pumalit kay Erap. Parang nung umalis si Erap sa Malacanang, ang pumalit sa kanya ay ang kanyang bise na si Gloria Arroyo, na ngayon ay kongresista ng Pampanga.
Pero kung ang ilang may tahid sa pulitika ang tatanungin, mas maganda raw kung hahayaan na lamang ni Isko na si Lim ang umupo. Bakit?
Kung uupo si Isko, baka labanan pa daw siya ni Lim sa 2016 polls. Pero kung si Lim ang uupo, nangangahulugan na ito na ang kanyang ikatlong termino at hindi na siya makakatakbo sa susunod na taon.
Wala na daw malakas-lakas na makakalaban si Isko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.