BAGO magtapos ang 2014 ay napaunlakan tayo ni Pasig City Rep. Roman Romulo, chairman ng House committee on higher and technical education, na makapanayam nang live sa Bantay OCW dito sa Radyo Inquirer.
Ayon sa mambabatas, tatlong batas ang naipasa ng Kongreso na may kinalaman sa usapin ng edukasyon. Ito ang Open Distance Learning Law o RA 10650, Iskolar ng Bayan Act 2014 o RA 10648 at ang Ladderized Education Act 2014 o RA 10647.
Anya, higit na magbebenepisyo sa RA 10650 ang ating mga OFW, high school graduates o college undergraduates. Sa ilalim ng nasabing batas, hindi na sila obligado o kailangang personal na pumasok sa kolehiyo o unibersidad upang makapag-aral at makapagtapos.
Pinirmahan ni Pangulong Aquino ang nasabing batas dahil ito ay nakikisabay sa modernong panahon at makabagong teknolohiya.
Malaking tulong nga naman ang batas sa mga OFWs na habang nagtatrabaho ay sisikapin na makapagtapos pa rin ng pag-aaral.
Hindi na nga naman kailangang lumiban pa sa trabaho. Tiyaga at determinasyon na lamang ang sangkap na kakailanganin ng isang OFW upang makakuha ng diploma.
Malaki nga naman ang maitutulong nito sa kanyang paghahanapbuhay at ito rin ang magbubukas ng mas maraming oportunidad tulad ng promosyon sa trabaho at dagdag na kita.
Sa ilalim naman ng Iskolar ng Bayan Act, awtomatikong isasailalim sa scholarship program ng pamahalaan ang unang 10 magsisipagtapos sa high school at maaari silang pumasok sa state colleges o state universities sa kanilang mga rehiyon. Pwede ring tumaas pa ang bilang nito lalo kung marami talaga ang bilang ng magsisipagtapos.
Sa puntong ito, hindi na kailangan pumapel ng mga politiko para maipasok na iskolar ang isang estudyante. At hindi rin ito ibabase sa palakasan kundi tanging sa merito lang.
Samantala sa ilalim naman ng Ladderized Education Act, gagarantiyahan ng pamahalaan na bibigyan ng kredito ang anumang technical at vocational courses na kanilang kinuha at ibibilang ang katumbas na units nito kung itutuloy nila sa kolehiyo ang kanilang pag-aaral. Maaaring mapaikli na ang kanilang pag-aaral dahil babawasin na ang kanilang ginugol sa kursong techvoc.
Nang mabanggit natin kay Romulo na dati nang may pinairal noon ang Arroyo administration may kinalaman sa Ladderized program, iyon ‘anya ay sa ilalim ng isang Executive Order at hindi tulad ngayon na isa nang ganap na batas.
Oo nga naman, kung Kongreso ang nagpasa ng batas na ito, sila rin ang may kapangyarihang baguhin o tuwirang alisin ang naturang batas.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM
Lunes – Biyernes, 10:30 am 12:00 noon, audio/video live streaming: E-mail: [email protected]/ [email protected] www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0927.649.9870
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.