MAGMULA nang maglaro para sa Gilas Pilipinas sa nakalipas na dalawang taon, walang duda na si San Miguel Beer center June Mar Fajardo ang pinaka-dominanteng big man ngayon sa Philippine Basketball Association.
Kahit nakaranas ng double-team at pisikal na depensa sa kanilang semifinals series, ang 6-foot-10 Fajardo ay nagawa pa ring makaiskor gamit ang kanyang utak at lakas para daigin ang mas maliit na frontcourt ng Talk ‘N Text.
Ang sentrong buhat sa University of Cebu ay gumawa ng 18 puntos at siyam na rebounds para tulungan ang Beermen na maungusan ang Tropang Texters, 96-95, noong Disyembre 23 at kunin ang 3-0 bentahe.
Matapos ang tatlong-araw na pahinga, sinundan ito ni Fajardo ng 28 puntos, 16 rebounds, limang assists at dalawang blocks para pamunuan ang Beermen sa pagkumpleto ng four-game sweep sa itinalang 100-87 pagwawagi.
Masaya si Fajardo na pinangunahan ang San Miguel Beer sa pagwalis sa Talk ‘N Text subalit ang Cebuano big man ay nakatutok na para ihatid ang kanyang koponan sa pagsungkit ng kampeonato ng all-Filipino conference na huling nagawa ng Beermen noong 2001.
“Basta taasan lang namin ‘yung intensity, tsaka gagalingan pa namin kasi walang madali. Lahat mahirap,” sabi ni Fajardo, ang back-up center ng Gilas.
Si Fajardo ay nag-average ng 23 puntos, 12.5 rebounds at 3.5 assists sa huling dalawang laro ng San Miguel Beer para makuha ang ikalawang Accel-PBA Press Corps Player of the Week para sa period na Disyembre 23-28.
Tinalo ng 25-anyos na sentro para sa lingguhang parangal sina Cyrus Baguio at Calvin Abueva ng Alaska Milk.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.