Rondo ipinamigay ng Celtics sa Dallas
BOSTON — Ipinamigay na ng Boston Celtics ang kahuli-hulihang manlalaro sa kanilang 2008 championship team.
Ito ay matapos na pumayag ang Celtics sa isang trade na magdadala kay point guard Rajon Rondo sa Dallas.
Kasama ni Rondo ay ibinigay din ng Celtics si forward Dwight Powell sa Mavericks kapalit nina point guard Jameer Nelson, forward Jae Crowder, center Brandan Wright, 2015 first round draft picks, 2016 second round draft pick at $12.9 million trade exception.
”Welcome to Rajon Rondo the newest member of the Dallas Mavericks,” sabi ni Mavericks team owner Mark Cuban sa social media application Cyber Dust ilang minuto matapos opisyal na inanunsiyo ang naturang trade.
Pinasalamatan din ni Cuban ang tatlong players na kanyang binitawan na tinawag niyang, ”Amazing players and better people.”
Ang Celtics ay may walong first-round picks sa susunod na apat na taon kabilang ang mga nakuha nila mula sa trade na kinabibilangan nina Kevin Garnett at Paul Pierce na kasama ni Rondo sa 2008 championship team.
”We would not have won Banner 17 without Rajon and will always consider him one of our most valuable Celtics,” sabi ng statement mula sa mga team owners ng Celtics. ”We will always cherish the time he was here.”
Lalo namang lumakas ang lineup ng Mavericks na pinangungunahan nina Dirk Nowitzki, Monta Ellis, Chandler Parsons at Tyson Chandler.
Ito na marahil ang pinaka-solid na starting unit sa buong liga ngayon. May 19-8 kartada ang Dallas ngunit sa sobrang tindi ng kompetisyon sa Western Conference ay nasa pangatlong puwesto lang ito sa Southwest Division at ikaanim na puwesto sa West.
Huling nagkampeon sa liga ang Mavericks noong 2011 pero matapos niyon ay hindi na nanalo ng playoff series ang koponan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.