TINGIN ng marami, panic mode na ang kampo ni Vice President Jejomar Binay.
Masyado kasing malaki ang ibinagsak ng approval at trust rating ni Binay na matagal nang nagdeklara na tatakbo sa 2016 presidential elections.
Noon ay ipinagmamalaki ang rating ni Binay dahil mas mataas ito kay Pangulong Aquino. Kaya nga parang binabalewala ng ilan niyang kaalyado ang basbas na maaaring makuha kay Presidente.
Pero mukhang biglang nagkaroon ng malaking halaga kung sino ang ieendorso ni PNoy sa eleksyon dahil siya ang may pinakamataas na trust at approval rating sa apat na pinakamataas na lider ng bansa.
Matapos ang Martial Law, ang ina pa lamang ni PNoy na si dating Pangulong Cory Aquino ang nakapagpanalo ng kandidato sa pagkapangulo— si dating Pangulong Fidel Ramos.
Natalo ang manok ni Ramos na si dating Speaker Jose de Venecia. Gayundin ang kandidato ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Ang pumalit kay Ramos na si dating Pangulong Joseph Estrada ay natanggal sa puwesto noong EDSA 2 at ang inendorso niya habang nakakulong na si Fernando Poe Jr., ay natalo ni Arroyo sa kinukuwestyong eleksyon noong 2004.
Kaya marami ang curious kung magagawa ni PNoy ang nagawa ng kanyang ina.
Marami na ang nakapapansin na panic mode na ang kampo ni Binay ngayon.
Nawala na ang dating yabang na kanilang ipinakikita.
At pati ang media ay sinisisi na rin ni Binay at inakusahan pa na binabayaran para siya ay siraan.
Pero ang hindi nila sinasabi, bumaba ang rating ni Binay dahil hindi niya direktang sinasagot ang mga alegasyon sa kanya sa Senado.
At baka nakaapekto rin ang pag-atras niya sa debate na siya ang naghamon.
Papayag kaya ang Liberal Party na hindi genuine na kapartido ang kanilang mamanukin sa eleksyon?
Hindi naman lihim na mababa pa rin ang rating ng kanilang napipisil na kandidato na si DILG Sec. Mar Roxas.
At kung si Roxas ay bumaba sa pagka-VP noong 2010, papayag ba siya na tumakbo na lamang sa Senado? Malaki ang tiyansa na manalo siya sa pagkasenador.
Tapos na ang survey sa huling bahagi ng taon at magiging mainit ang pulitika sa susunod ng taon.
Ang tanong na lang ay kung sino ang mananaig at iboboto sa 2016.
Desidido ang LP na manatili sa Malacanang, at sinong partido ba naman ang hindi?
Kaya dapat ay tanggapin ng kanilang mga miyembro ang realidad ng pulitika.
Dapat magpakatotoo sila sa pagpili ng mananalong kandidato. At gaya ni Sec. Mar nang bumaba noong 2010 polls, dapat ay magpakatotoo rin sila sa reyalidad ng pulitika sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.