‘Dating Couple’ wagi ng house & lot, bagong car, P20-M sa Amazing Race
Ang Dating Couple na sina Matthew Edwards at Phoebe Walker ang itinanghal na kampeon sa The Amazing Race Philippines Season 2 matapos ang special one-hour finale episode nito noong Linggo.
Nag-uwi ang mga ito ng dalawang house and lot mula sa RCD Royale Homes, dalawang Kia Sportage SUV at P2 million cash mula sa PLDT Home Telpad.
Sa huling finish line ng race na ginanap sa Camiguin, sinalubong ng race master na si Derek Ramsay sina Matthew at Phoebe kasama ang walong pre-eliminated teams.
“You raced hard and you raced the fastest. You are the winners of The Amazing Race Philippines Season 2,” bati ni Derek.
Pangalawang dumating ang team Mr. Pogi na sina John Paul Duray at Kelvin Engles, at natira sa ikatlong pwesto sina Chefs Roch Hernandez at Eji Estillore.
Nang matanong tungkol sa kanilang mga plano matapos ang karera, sinabi ni Phoebe na parte ng kanyang mga napanalunan ay mapupunta sa isang negosyong ipangtutustos niya sa kanyang pamilya.
Sa hiwalay na panayam, sinabi naman ni Matt na balak niyang magbakasyon sa England para makasama ang kanyang ama. At dahil nanalo sila ng halos P3 million (bahagi nito ay nakuha nila mula sa pagkapanalo sa apat na pit stop legs), sinabi ni Phoebe na ido-donate nila ang bahagi ng kanilang premyo sa isang charity na tutulong sa mga street children na naninirahan sa Payatas.
Ang Amazing Race Philippines Season 2 ay ang pinakamalaki at pinaka-ginastusang proyekto ng TV5 sa taong 2014. Tumakbo ang programa ng 10 linggo at tinutukan dahil sa mga di-inaasahang twists at nakakagulat na episodes nito linggo-linggo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.