Marami namang magaling sa PNP, bakit di masibak si Purisima?
KAMAKAILAN ay ipinag-utos ng ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang anim na buwang suspensyon laban kay PNP Chief Director General Alan Purisima kaugnay ng umano’y maanomalyang kontrata sa isang courier service na siyang maghahatid sa mga inisyu ng PNP na mga lisensiya ng baril.
Bagamat tiniyak kahapon ni Interior Secretary Mar Roxas na tatalima ang DILG sa suspension order na ipinalabas ng Ombudsman laban kay Purisima, nagbanta naman ang huli na maghahain siya ng temporary restraining order (TRO) para mapigilan ang kanyang pagkakasuspinde.
Tiniyak din ni Roxas na walang manggaganap na vacuum sa liderato ng PNP sa harap naman ng naging pagreretiro ng pangalawang pinakamataas na si Deputy Director General Felipe Rojas Jr.
Ayon kay Roxas, itatalaga niya si General Leonardo Espina na siyang pangatlo sa pinakamataas bilang officer-in-charge (OIC) hanggang matapos ang pananalasa ng bagyong Ruby.
Iginiit naman ni Roxas na karapatan ni Purisima na maghain ng TRO bagamat sinabi niya na executory ang inilabas na kautusan ng Ombudsman.
Hindi naman direktang sinagot ni Roxas nang siya ay tanungin kung welcome development para sa kanya ang ginawang suspensyon kay Purisima.
Kilala kasing malapit si Purisima kay Pangulong Aquino.
Matatandaang ipinagtanggol pa ni Aquino si Purisima sa pagsasabing kailanman ay hindi niya ito nakilalang nabuhay sa luho.
Ngayong nagpalabas na ng kautusan ang Ombudsman, dapat talagang ipakita ng administrasyon na wala itong sinasanto sa pagpapatupad ng batas.
Dapat ay sundin na lamang ni Purisima ang kautusan ng Ombudsman at sagutin ang kasong kinakaharap.
Sa dami ng ibinabato na alegasyon laban kay Purisima, hindi sapat na itanggi na lamang ang lahat ng kaso laban sa kanya, kundi harapin ang mga ito sa korte.
Dapat tandaan ni Purisima na hindi lamang siya ang natitirang opisyal sa PNP.
Marami pang magagaling na opisyal ang PNP na maaaring humalili sa kanya.
Dapat ding tandaan ni Purisima na umaalis at nagreretiro ang mga opisyal ng PNP, bagamat nandiyan pa rin ang pambansang kapulisan.
Ang mahalaga ay kung may maiiwang si Purisima na legacy para PNP o iiwanan niya ito na pawang mga isyu ng katiwalian ang ibinabato laban sa kanya.
Wala sa bansa nang ipalabas ng Ombudsman ang kautusan laban kay Purisima. Umalis siya noong Disyembre 3 at nakatakdang bumalik sa Disyembre 9.
Detalyado ang naging kautusan ng Ombudsman laban kay Purisima kayat imbes na umalma rito, dapat na lamang niyang sundin ito at harapin ang kasong kinakaharap para patunayan niya na malinis nga ang kanyang pangalan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.