Pag-asa na lang muna | Bandera

Pag-asa na lang muna

- April 09, 2012 - 04:47 PM

NAGKATAON na sumentro sa isang paksa ang mensahe ng Santo Papa at Pangulong Aquino: pag-asa.

Para sa Santo Papa, pag-asa, na may kalakip na dasal at pagmumuni-muni mula sa mga pangaral ni Kristo ang ipinapayo at iniiwan niya sa milyun-milyong walang trabaho sa Europa.

Kapag tinamaan ng kawalan ng trabaho ang Europa ay napakalaking suliranin ito dahil walang masusulingan ang mga nasesante kundi ang kanilang mga sarli, di tulad sa Pilipinas na maaaring makisilong sa mga magulang, kapatid at mga kamag-anak sa panahon ng taghirap.

Kapag tinamaan ng kawalan ng trabaho ang Europa ay di malayong mawalan din ng trabaho ang mga Pinoy doon.

Ang kawalan ng trabaho sa Europa ay hudyat ng pagbagsak ng ekonomiya at pagtigil nang lahat, kaya’t ang mga Pinoy na nais magtrabaho sa Europa ay mapipilitang ipagpaliban ang balak at biyahe.

Sa mensahe ni Aquino, hiniling niya na alalahanin ang pag-ako ni Kristo sa kasalanan ng lahat at ang Kanyang muling pagkabuhay ay ang walang hanggang pangako ng walang hanggan.

Sa gitna ng kahirapan at nagbabantang malawakang brownput sa Metro Manila, ang payo ng pangulo: gawin ang tama at panatiliin ang pag-asa.

Hinggil sa kawalan ng trabaho at pagbagsak ng ekonomiya ay inililihis ng anak nina Ninoy at Cory ang isyu at itinuturong napakarami ang mall na pinapasok ng marami araw-araw.

Iba ang ekonomiyang nagpapagana sa mga mall.  Ito’y tinatawag na remittance driven, o perang nagmumula sa padala ng mga overseas Filipino workers sa abroad.

Ang kahirapan mula sa kawalan ng trabaho ay bunsod ng pagsasara at pagtigil ng manufacturing sector dahil sa mataas na presyo ng langis, kaguluhan, pangingikil ng mga komunista, mahal na singil sa kuryente at malawakang brownout, lalo na sa Mindanao.

Di kasama rito ang mataas na pasahe, na nagiging dahilan para sa pagpigil ng mahihirap na makayaot para makahanap ng dagdag na pagkakakitaan.

Di na rin mapagtatakpan pa ang panglilihis sa isyu ng Malacanang sa nagaganap na kahirapan.

Sa mismong mensahe rin ni Aquino, sinabi nitong pag-iibayuhin niya ang kanyang trabaho.

“Lalo pa naming pag-iibayuhin ang aming trabaho, upang mas mabilis nating makamit ang inaasam na pagbabago,” ani Aquino.

Pagbabago?  Yan ang panglilihis sa tunay na isyu.

Sa kanyang inaugural address at unang State of the Nation speech, makailang-ulit niyang binanggit ang pagbabago habang sinisisi ang nakalipas na bulok na administrasyon.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Ngayon ay wala nang masisisi, kundi ang sarili at sabihin na lang na umasa na muna.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending