Kanta ni Jamie Rivera para kay Pope aprubado ng Vatican
Inilunsad na ng Star Music ang special Papal visit album na “We Are All God’s Children” kung saaan tampok ang official theme song ng pinakahihintay na pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas sa Enero 2015.
Ang kantang “We Are All God’s Children” ay sinulat at inawit ng multi-awarded Inspirational Diva na si Jamie Rivera at nilapatan ng musika ni Noel Espenida. Ito ay aprubado ng Vatican City.
Ayon kay Jamie, naging inspirasyon sa pagsulat niya ng kanta ang kababaang-loob ng mismong Santo Papa. Aniya, hangad niyang maipalaganap ang “mercy and compassion” na tema ng Papal Visit 2015 sa pamamagitan ng kanyang sinulat.
“Hinihimok ng kanta ang lahat ng anak ng Diyos na iparamdam ang pagmamahal at maging mapagmalasakit sa mga nangangailangan. Dapat tayo tumulong nang masaya at buong pagpapakumbaba,” sabi ni Jamie.
Katulad noong 1995 World Youth Day nang dumalaw sa Maynila si John Paul II, na ngayon ay si St. John Paul II na, ang official theme song para sa 2015 Papal visit ay mayroon ring actions at hand gestures na likha ni Landa Juan.
Bukod sa “We Are All God’s Children,” inawit rin ni Rivera sa album ang mga kantang “Our Dearest Pope,” “The Mission,” at “Papa Francisco, Mabuhay Ka.”
Nagbahagi rin ng kanilang talento para sa 2015 Papal visit album ang ilan sa pinakamahuhusay na mang-aawit sa bansa kabilang sina Jed Madela at Angeline Quinto (On Eagles Wings), Liezel Garcia (Anima Christi), Janella Salvador (Give Thanks), Fatima Soriano (Lift Up Your Hands), Aiza Seguerra (Lead Me Lord), Erik Santos (Lord, I Offer My Life To You), Juris at Robert Seña (One More Gift), at Morissette Amon (Take and Receive).
Ang “We Are All God’s Children” album ay mabibili na record bars nationwide. Maaari na ring madownload ang digital tracks sapamamagitan ng online music stores katulad ng iTunes, Mymusicstore.com.ph, at Starmusic.ph.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.