Petron kontra Generika sa PH Superliga finals
Mga Laro Bukas
(Cuneta Astrodome)
2 p.m. Mane ‘N Tail vs Foton (5th place)
4 p.m. Cignal vs RC Cola-Air Force (3rd place)
6 p.m. Petron vs Generika (championship)
ANG Petron at Generika ang siyang maglalaban para sa kampeonato ng 2014 Philippine Superliga (PSL) na handog ng Asics.
Nangyari ito nang kalusin sa pamamagitan ng straight sets ang mga nakalaban sa semifinals kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Sa pagtutulungan nina Alaina Bergsma, Dindin Santiago at Frances Molina, ang Lady Blaze Spikers ay umani ng 25-23, 25-16, 25-21, panalo laban sa Cignal habang ang Life Savers sa pamamagitan nina Natalie Korobkova, Stephanie Mercado at Michelle Laborte ay umani ng 25-23, 25-16, 25-23 panalo sa RC Cola-Air Force.
Ang one-game finals ay gagawin bukas at ang Petron at Generika ang siyang nangunang mga koponan sa pagtatapos ng double round elimination para sa isang klasikong tagisan.
Si Bergsma na naglaro lamang ng isang set laban sa Generika sa pagtatapos ng elims na kung saan natalo ang Petron sa limang sets, ay gumawa ng 25 puntos sa 18 kills, apat na blocks at tatlong aces habang sina Santiago at Molina ay nagsanib sa 23 puntos.
“Thanksgiving day ngayon kaya gustong manalo lalo na si Bergsma. Hindi ko expected na ganito ang kalalabasan ng laro pero may ibubuga pa ang team sa finals,” wika ni Petron coach George Pascua.
Hindi nagpadaig ang Generika na kinuha ang ikaanim na sunod na panalo matapos gumawa ng 13, 12 at 11 puntos nina Natalie Korobkova, Stephanie Mercado at Micmic Laborte.
“Na-execute namin ang lahat ng plays at maganda ang team work. Hopefully, mas matindi pa ang ipakita namin sa finals,” wika ni Life Savers coach Ramil de Jesus.
Dahil sa kabiguan, ang Raiders at HD Lady Spikers ang magtutuos para sa ikatlong puwesto matapos ang labanan ng Foton at Mane ‘N Tail para sa ikalimang puwesto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.