TATLONG quarters na sinabayan ng Kia at tinakot nito ang defending champion Purefoods Star noong Miyerkules bago yumuko sa dulo, 88-77, sa kanilang laban sa Ynares Center sa Antipolo City.
Well, nadaan lang ng Hotshots sa experience ang kanilang kalaban.
E, defending champion ang Purefood at expansion franchise ang Kia. So, doon pa lang ay malaki na talaga ang diperensiya.
Hindi nga lang maiaalis na mamangha ang karamihan sa ipinamalas ng Kia Sorento.
Tabla ang score sa pagtatapos ng first quarter, 17-all, at maging sa halftime, 34-all. Aba’y nagawa pa ng Sorento na makalamang, 57-51, sa pagtatapos ng third quarter.
Kung ikaw si Purefoods coach Tim Cone, natural na mababahala ka.
Kasi ayaw mo na ikaw ang unang team bukod sa kapwa expansion franchise Blackwater Elite na mabiktima ng Kia. Mananalo’t mananalo rin naman ang Sorento sa mga susunod na araw. Pero ayaw ng Purefoods na sila ang maging buwena mano.
Kaya’t sa fourth quarter ay itinodo na ng Hotshots ang kanilang makakaya upang makaiwas sa upset at mairehistro ang ikaapat na sunod na panalo. Umakyat sila sa kartang 5-3.
Sa ngayon, ang target ng Purefoods ay ang makarating sa ikatlo hanggang ikaanim na puwesto na magbibigay sa kanila ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals. Puwede rin silang mangarap na umabot sa top two upang dumiretso sa semifinals. Pero tila pangarap na lang muna iyon.
Sa panig naman ng Kia, hangad ng Sorento na makarating sa ikapito hanggang ikasampung puwesto upang pumasok sa quarterfinals. Sa ilalim ng format kasi, ang ika-11 at ika-12 na koponan matapos ang elims ay tuluyang matsu-tsugi. So, far, isa pa lang ang opisyal na nalalaglag at ito ay ang Blackwater na hindi pa nagwawagi sa siyam na laro.
Sa kartang 1-8 ay may pag-asa pa ang Kia na tumabla sa Barako Bull (3-6) para sa huling quarterfinals slot.
Ito ay kung hindi na magwawagi pa ang Energy sa huling dalawang games kontra NLEX sa December 2 at Purefoods sa December 8 sa Dipolog City.
Kailangan ng Kia na magwagi sa kanilang huling dalawang games laban sa Meralco sa December 3 at NLEX sa December 7. Tough assignments pero hope springs eternal.
At tsaka nandito na ang kanilang playing coach na si Manny Pacquiao para bigyan sila ng inspirasyon.
Kaya nga maganda ang kanilang performance kontra sa Purefoods noong Miyerkules, e. Kasi, kasama na nila si Pacquiao na nakabalik na buhat sa laban kontra Algieri.
Siyempre, realistically, sinasabi ng karamihan na kandidato na ang Kia sa pagkalaglag gaya ng Blackwater. At inaasahan naman iyon dahil sa expansion franchise ang Sorento at kailangang magmatrikula sa liga.
Pero inaasahan nating babawi ang Kia at Blackwater sa susunod na conference kung saan mas matatangkad na imports ang puwede nilang kunin. Doon na marahil sila makakasilat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.