Ate Vi: Kung napipilitan ka lang, wag mo nang ituloy!
KUNG si Gov. Vilma Santos ang masusunod, hindi niya hihikayating sumabak sa politika ang anak na si Luis Manzano.
Ayon sa Star For All Seasons, alam na alam na niya ang buhay-politika at lagi niyang sinasabi kay Luis na hindi madaling maging public servant, ibang-iba ito sa kinakakihan niyang mundo ng entertainment.
Sa presscon ng “Ala Eh Festival” ng Batangas at belated birthday treat na rin sa kanya ni Mother Lily Monteverde, sinabi ni Ate Vi na hindi niya ine-encourage ang anak na tumakbo sa darating na 2016 elections sa kahit anong posisyon.
“Kasi alam kong hindi magiging madali sa kanya, napakahirap ng politika. But at the same time, yung fullfilment naman ang magiging kabayaran nu’n.
Yung pagtulong mo sa iyong mga constituents, yung legacy na maiiwan mo sakaling mag-retire ka na, hindi kasi nababayaran ‘yun” ani Gov. Vi.
“Basta ang sinasabi ko sa kanya, kung talagang buo na ang loob niya, kung handa na siya, ituloy niya, pero kung napipilitan ka lang, don’t do it.
But at the end of the day, it’s still his decision, kahit na anong mangyari, nandito lang ako para protektahan at suportahan si Lucky,” ani Ate Vi.
Hirit pa ng gobernadora ng Batangas, kung sakaling ituloy nga ng boyfriend ni Angel Locsin ang pagtakbo sa 2016 elections, sisiguruhin niyang 100 percent ang ibibigay niyang pagtulong sa binata, pag-aaralin daw niya uli si Luis para meron itong sapat na kaalaman sa mundong papasukin niya.
Samantala, tungkol naman sa gaganaping “Ala Eh Festival” na bahagi pa rin ng 433rd celebration founding anniversary ng Batangas, hinihikayat ni Ate Vi ang lahat ng Pinoy na makisaya sa kanilang bonggang selebrasyon mula Dec. 1 hanggang Dec. 8 dahil napakarami nilang naka-line up na activities ngayong taon, sa pangunguna ng event’s host this year, ang Heritage town of Taal with Mayor Michael Montenegro.
At dahil nga isa nang ganap na Taaleño si Mother Lily (meron na siyang bahay at resort sa Taal), siya mismo ang nagpatawag ng presscon para maiparating sa madlang pipol ang mga magaganap sa taunang fiesta.
One week tatakbo ang selebrasyon, na sisimulan ng Fun Run sa Dec. 1, meron ding trade fair, agri fair, photo exhibit at may bonggang street party sa Marcella Agoncillo Street sa hapon hanggang gabi.
Gaganapin naman ang Mutya ng Taal, (Taaleno Ang Galing Mo!) sa Dec. 2 and 3, habang ang coronation night naman ay sa Dec. 5 sa Taal Plaza kung saan dadalo ang maraming showbiz celebrities.
Abangan din ang grand finals ng “Voices, Songs and Rhythms” sa Dec. 7, 7 p.m. at sa Dec. 8 naman magaganap ang Eucharistic celebration sa Basilica of St. Martin de Tours (7 a.m.) na susundan ng street dance at float parade patungong Taal Park kung saan gaganapin ang festival dance competition.
Anyway, ayaw namang makialam ni Ate Vi sa mga detalye tungkol sa pagpapakasal nina Luis at Angel. Natanong kasi ang gobernadora kung isa-suggest niya sa dalawa na sa Batangas na lang ganapin ang kanilang wedding para makatulong din sa turismo roon, aniya, hahayaan niyang magdesisyon para sa kanilang mga sarili ang magdyowa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.