MAY bagong abogado si Andal Ampatuan Jr. sa katauhan ni Salvador Panelo.
Si Andal Jr. ay nasasakdal sa pagpatay ng 58 katao, kabilang ang 38 journalists, ng walang kalaban-laban sa Maguindanao limang taon na ang nakararaan.
Ang karumal-dumal na maramihang pagpatay ng mga inosenteng tao ay tinaguriang “Maguindanao Massacre.”
Si Andal Jr. daw mismo ang nanguna sa pagbaril ng mga 58 katao.
Nagmistulang diumano’y halimaw si Andal Jr. nang siya at kanyang mga kasamahan, kabilang ang ilang pulis, pumatay ng mga taong walang mga armas.
Kasama sa nasasakdal ay ang kanyang ama na si dating Maguindanao Gov. Andal Sr. at kapatid na si dating Gov. Zaldy, governor ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Sinabi ng abogadong si Panelo, na mahilig sa publisidad, na tinanggap niya na maging kliyente si Andal Jr. dahil natitiyak niyang sila’y biktima ng “frame-up.”
Hindi raw pera ang habol ni Panelo dahil mahirap na raw ngayon ang mga Ampatuan.
Pinagbibili na nga raw nila ang kanilang kotse at Rolex watch, ani Panelo.
Hamon daw sa kanya ang pagtatanggol sa mga Ampatuan, pero hindi raw siya magsisinungaling para sa kanyang kliyente.
Si Atorni naman, para namang mga bata ang taumbayan!
q q q
Hinirang ng Malakanyang ang mga 32 journalists na kabilang sa mga biktima sa Maguindanao Massacre na mga “martir.”
Huwag lang sana puro salita ang paghirang ng Palasyo sa mga pinatay na mga media persons.
Words ay cheap, ika nga.
Hustisya ang kailangan ng mga napatay, hindi parangal.
Kung gusto nga talagang parangalan ng Malakanyang ang mga 32 journalists, utusan nito ang mga government prosecutors na taga-Department of Justice na dalian ang pag-uusig ng kaso laban sa mga Ampatuan.
Yan ang tunay na parangal sa mga napatay, hindi daldal.
q q q
Parang totoo ang paniwala ng marami na tatagal ng maraming-maraming taon ang paglilitis sa mga Ampatuan.
Pinatatagal kasi ng mga abogado ng mga Ampatuan sa pamamagitan ng paghingi ng postponement at iba’t ibang paraan na “delaying tactics.”
Ang gustong mangyari siguro ng mga Ampatuan ay mabagot sa kahihintay ang mga pamilya ng mga biktima at makipag-areglo na lang sa kanila.
Marami na ring napapatay na mga testigo laban sa mga Ampatuan.
Isa sa pamilya ng mga biktima ay tumakbo ng Hong Kong at humingi ng proteksiyon sa mga Ampatuan.
q q q
Sinabi ni Sen. Alan Peter Cayetano na naglaan ng P20 million ang panig ni Vice President Jojo Binay upang maghalukay ng anomalya sa Taguig City.
Si Cayetano ay nangunguna sa imbestigasyon ng mga anomalya sa Makati City Hall noong si Binay pa ang mayor ng lungsod.
Sinabi ni Cayetano na kinakausap ng kampo ni Binay ang mga suppliers sa Taguig City Hall sa panahon ng kanyang asawa na si Lani bilang mayor.
Kung hindi corrupt si Lani, ano naman ang kinatatakot ni Cayetano?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.