KUNG pagbabasehan ang nangyari sa weigh-in kahapon sa pagitan nina Manny Pacquiao at Chris Algieri, may kalalagyan sa World Boxing Organization (WBO) welterweight champion ang walang talong American challenger.
Walang hirap na naabot ni Pacquiao ang catchweight na 144 pounds nang pumasok sa 143.8 pounds sa unang salang sa timbangan.
Pero ang 5-foot-10 na si Algieri na siyang kampeon sa WBO light welterweight division (140 pounds) ay nagkaroon ng problema at tatlong beses na sumampa sa timbangan bago nakuha ang 143.6 pounds.
Unang timbang nito ay nasa 144.4 pounds at matapos maghubad ay sobra pa rin sa 144.2 pounds. Nagpapawis pa si Algieri at matapos nito ay bumalik uli at tsaka nakuha ang timbang.
Napuna ni Pacman, na idedepensa sa unang pagkakataon ang titulong binawi kay Timothy Bradley noong Abril, na tila tuyo ang kutis ng challenger na patunay na nagkaroon ng problema sa pagsasanay si Algieri na tumapos sa kursong nutrition.
“I’d rather be well fed and feel good than sucked out and drawn,” wika ni Pacquiao sa panayam ni Kevin Iole.
Ngayong umaga sa Cotai Arena sa The Venetian sa Macau, China magkukrus ang landas ng dalawang boksingero at hanap ni Pacman ang ikatlong sunod na panalo matapos lumasap ng magkasunod na kabiguan noong 2012 at ang huling pagkatalo ay ipinalasap ni Juan Manuel Marquez ng Mexico gamit ang sixth-round knockout.
Ang labang ito na handog ng Top Rank ay mapapanood sa GMA Channel 7 mula alas-11 ng umaga at may live blow-by-blow account sa Super Radyo DZBB 594, Barangay LS 97.1 at sa lahat ng RGMA stations sa bansa mula alas-10 ng umaga.
Hindi pa natatalo si Algieri matapos ang 20 laban at may walong knockouts at siya ang ikalawang undefeated boxer na haharapin ni Pacquiao sa taong ito matapos ni Bradley na natalo sa pamamagitan ng unanimous decision.
“I like to fight undefeated fighters because it’s an honor to be in a fight like that,” wika ni Pacquiao na may 56 (38 KOs) panalo, limang talo at dalawang tabla na baraha.
Tiniyak din niya na makikita ng mga manonood ang kanyang dating bangis, agresibo at lakas sa magkabilang kamao para maitala ang hanap niyang kumbinsidong panalo at mapaniwala ang mga nagdududa na kaya pa niyang magtagal sa pagiging hari sa boxing. Nagkaroon man ng aberya, kumbinsido rin si Algieri sa kanyang kakayahan na gulatin ang lahat sa pagtala ng panalo sa natatanging multi-division world champion sa boxing.
“I did all the hard work I needed to do. I know I have the skills and I’m ready to rock,” tugon ni Algieri.
Si Genaro Rodriguez ng Estados Unidos ang magiging referee sa 12-round title fight at ito ang kanyang ikalawang pagkakataon na tatawag sa laban ni Pacquiao matapos umakto bilang third man sa ring nang hinarap ng Filipino boxing pride si Brandon Rios noong Nobyembre 24, 2013 sa nasabi ring lugar.
Sina Levi Martinez, Patrick Morley at Michael Pernick ang mga tinapik bilang mga hurado.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.