Mag-ingat sa mangangaral | Bandera

Mag-ingat sa mangangaral

- April 02, 2012 - 04:40 PM

NAGKALAT sila ngayong Semana Santa, ang mga mangangaral.

Walang kagatul-gatol ang pananalita, di nabubulol; tuwid na  pagbigkas at tila walang sablay sa pagbanggit ng mga numero ng  bersikulo at kapitulo.

Sa kanilang pananalita ay nakatitiyak sila na sila  lamang ang maliligtas at marami ang masisilaban sa apoy.

Sa  hagupit ng kanilang dila ay malulupit ang mga makasalanan, at  sila’y hindi.

Sa kanilang pangaral, Ebanghelyo man o napadaang  mga talata sa Bibliya na lalagyan ng tuwirang patungkol sa  Bibliya, ang nakararami ang nakalimot sa Diyos at sila’y hindi.

Sa kanilang turan sa kawan, sila ang malinis at ang balana ang  marumi.Kawawa naman ang nakararami.

Parating sila ang  nasisisi dahil sila ang makasalanan.

Ito’y makalumang paggabay sa mga nananampalataya at  naniniwala na may Diyos.

Ito ang panuntunan noong panahon ng  mga Kastila kaya nabulid sa pagkapariwaraan sina Sisa, Crispin  at Basilio; hanggang na ginamit ng isang anak ang sarling  pag-iisip para bumangon at makita ang tunay na buhay.

Ang mga maling turo ng mga mangangaral ang siyang  dahilan para lisanin ng napakaraming mananampalataya’t kaanib  sa relihiyon ang kanilang mga simbahan sa Amerika.

Bagaman  lumisan sa simbahan ay naniniwala pa rin ang mga  mananampalataya sa Diyos, na may Diyos, at di umaalis ang Diyos  sa piling nila.

Sobra na at nagsawa na ang mga mananampalataya sa  maling pakahulugan ng mga Banal na Salita ng mga mangangaral.

Ang paglisan ng mga mananampalataya ay pinatunayan mismo ng PEW  survey. Una rito ay marami ang di na bumalik sa simbahan nang  masangkot ang mga pari’t obispo sa mga kasong sekswal.

Sa madaling salita ay buking na ang mga di tunay na  mangangaral.

Madaling banggitin ang pagsisisi, pero walang  makapagpapatunay nito.

Madaling sabihing sundin ang mga utos  ni Hesukristo, pero paano kung ang mangangaral ang hindi  sumusunod.

Madaling sabihin na kailangang paalalahanan ang  nakalimot na kawan, pero paano kung sila ang ayaw umalala sa  utos?

Ayon kay Sen. Miriam Defensor Santiago, relihiyosa  siya.

At sinong magdududa sa napakagaling na abogada dahil  meron siyang patunay na nakapagtapos siya sa pag-aaral ng  theology?

Noong bata pa siya ay binasa na niya ang Bibliya,  noong panahon na ipinagbawal ito ng mga pari dahil baka raw  magkamali sa pang-unawa ang kawan na nagbabasa; at sila’y di  maaaring magkamali sa pagpapaliwang ng nilalaman ng Banal na  Kasulatan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Kaya’t para kay Mrs. Santiago, itutulak niya sa bangin  ang magsasabing mas naunawaan niya ang Diyos kesa sa lahat.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending