Ayaw bigyan ng release paper | Bandera

Ayaw bigyan ng release paper

Susan K |November 21,2014
facebook
share this

Ayaw bigyan ng release paper

Susan K - November 21, 2014 - 03:00 AM

ISANG OFW ang humingi ng tulong sa atin sa pamamagitan ng ating Facebook account.

Narito ang bahagi ng mensahe ni Jessa Fragas:

“Nahihirapan na po ako Ms. Susan, nais kong humingi po ng tulong sa inyo sana po mabasa ninyo itong mensahe ko. Hindi na po kaya ng katawan ko ang sobrang trabaho dito, halos wala po akong pahinga at saka kinuha po ng amo ko ng sapilitan ang cellphone ko.

Buti na lang po dalawa ang nadala kong cellphone at nakasagap lang po ako ng wi-fi kaya nakapag-send po ako nito. May iniinda po akong sakit sa katawan. Sinubukan ko pong magmakaawa sa amo ko na hindi ko na kayang magtrabaho at gusto ko sanang umuwi, kaso ayaw po nilang pumayag.

Kahit alam na po nila na masama ang pakiramdam ko ay pilit po nila akong pinagtatrabaho.

Tinatakot po nila ako na ipapa-police kapag hindi daw po ako gumalaw. Humingi na rin po ng tulong ang pamilya ko sa POEA at OWWA. Patakas lang po ang paggamit ko ng cellphone at baka mahuli po nila ako.”

Mabuti naman at nakapagdala ng dalawang cellphone si Jessa. At maigi rin na naka-wi-fi ang bahay na kanyang tinutuluyan kaya’t nakapag-padala siya ng mensahe sa Bantay OCW.

Kahit hindi niya natukoy kung ano talaga ang kanyang eksaktong nararamdaman doon, dahilan para hindi kayanin ang trabaho,  agad siyang masasaklolohan doon ng ating Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Philippine Embassy sa Saudi Arabia.

Ngayon ay nakatutok na rin si  Atty. Deo Grafil,  mula sa tanggapan ni Vice President Jejomar Binay, Presidential Adviser on OFW Concerns, upang alamin kung ano na ang update hinggil sa kasong ito mula sa mga tanggapan ng POEA at OWWA.

Isa ring mensahe ang tinanggap natin mula kay Michael Hipolito na kasalukuyang nasa Kuwait.
Anya, na-terminate siya ng  kanilang kumpanya nang walang dahilan at ngayon nais siyang pauwiin ng Pilipinas.  Pero hindi siya binigyan ng “release” paper.

Nag-aalala si Michael kung ano ang maaaring mangyari sa kanya doon at kung may karapatan ba siyang humingi ng release paper.
Nakausap naman namin ang kanyang maybahay on the air sa DzIQ Radyo Inquirer 990 AM at sinabi niyang isang taon at tatlong buwan pa lamang na nagtatrabaho doon si mister nang sinabi ng kumpanya nitong released na siya.

Kaya na man naghanap siya ng panibagong trabaho, nag training sa ibang kumpanya at nag renta ng panibagong bahay upang ipagpatuloy ang pagtatrabaho sa Kuwait. Ngunit muling ipinatawag si Michael ng kanilang kumpanya at sinabing hindi na siya bibigyan ng release paper.

Nag-aalala si misis dahil may utang pang babayaran ang asawa doon at kung nakatakdang pauwiin ang asawa sa isang linggo ay baka maharang pa si mister sa airport tulad ng mga nababalitaan nilang hindi pinapayagang makauwi dahil sa mga naiwanang utang.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Ipapakisuyo natin ang problemang ito sa ating embahada sa Kuwait upang maalalayan ang ating OFW  bago pa man siya makauwi nang Pilipinas at mailaban pa kahit papaano ang kanyang kontrata na hindi tinupad ng kaniyang employer.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending