Kasalanan ba ang maging maganda at makinis?
MALAYO pa man ang presidential election, na-ngangampanya na si Vice President Jojo Binay pero sinasabi niya na hindi.
Tinitingnan daw niya ang pulso ng “mga tunay na tao” sa pamamagitan ng pagpunta sa mga palengke at kumakamay sa mga tao.
Nasisiyahan daw siyang pumunta sa mga palengke dahil nabibigyan daw siya ng pagkakataon na makasalamuha ang “mga tunay na tao.”
Parang sinasabi niya na ang mga pumupunta sa palengke ay tunay na tao at yung bumibili sa supermarket ay hindi mga tunay na tao.
Pinag-aaway ni Binay ang mga mahihirap at mayayaman. Gusto niyang pagalitin ang mga mahihirap upang siya’y iboto sa pagka-pangulo.
Sinasabi niyang siya’y mahirap.
Kahilas nimo, uy! Hindi ba naninindig ang ba-lahibo mo na ihambing mo ang iyong sarili sa mga mahihirap?
Totoo na noong araw ikaw ay dukha. Walang duda yan.
May mga bali-balita sa lugar kung saan ka lumaki sa boundary ng Pasay at Makati na naghuhugas ka ng orinola ng mga babaeng mababa ang lipad noong ikaw ay bata pa at binabayaran ka ng singko kada orinola.
Pero, Mr. Vice President, hindi ka na mahirap. Ikaw ay hindi lang mayaman kundi mayaman na mayaman na mayaman.
Isa ka nang bilyonaryo kung bibilangin ang mga ari-arian mo.
Marami at malawak na ang iyong mga lupain na nakapangalan sa iba’t ibang tao.
Marami kang units at buong palapag pa nga sa mga first class condominiums sa Makati. Marami kang bahay bakasyunan sa iba’t ibang dako ng Pilipinas.
Hindi pa nabibilang dito ang napakalawak mong bukirin sa Rosario, Batangas, Mr. Vice President. Sa bukirin na ito, air-conditioned pa ang babuyan at malawak na man-made lake.
Ngayon, paano ka naging mahirap, Mr. Vice President?
Ang galing mong magbalatkayo, ano pa kaya kung naging Pangulo ka na!
Hindi ka pa nakontento na ikaw ay Vice President na, mayor na ang iyong anak na lalaki at congresswoman ang
iyong anak na babae, pinatakbo mo pa ang
isa mo pang anak na si Nancy sa Senado!
Nauto mo ang bayan nang hinalal si Nancy, na tagapag-alaga ng iyong misis, na maging senador.
Kapag ikaw ay naging Presidente baka gawin ninyong pamilya na personal property ang buong bansa.
Baka gaya ni President Marcos na inapoint na Metro Manila governor si Imelda, iaapoint mo ang iyong asawa na secretary of interior and local government.
Alam na alam ni Binay ang kiliti ng masang Pinoy.
Sinasabi niyang siya’y uring alipin dahil sa kanyang anyo at balat kaya’t paniwalang-paniwala naman ang masa na karamihan ay hindi nagbabasa ng diyaryo at nanonood ng TV news kaya’t walang kaalam-alam sa tunay na isyu.
Basta naniniwala na lang ang masa na si Binay ay mahirap dahil sa kanyang anyo at sunog na balat.
Ang hindi alam ng masa ay ginagamit lang ng mga Binay ang kanilang anyo at balat upang maawa sa kanila ang mga botante.
Karamihan ng mayayaman naman kasi ay makikinis ang kutis at may mga pigura, pero kasalanan ba nila na sila’y ganoon?
Kasalanan na ba ang magkaroon ng makinis na balat, mabango at maganda o guwapo?
Hindi ko sinasabing pangit, mabaho at maitim ang masa nguni’t yan ang pinalalabas ni Binay.
Mga mayayaman daw ang galit sa kanya dahil siya’y mahirap na gaya ng masa.
Gumising naman kayo, masang Pilipino dahil ginagamit lang kayo ni Binay!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.