ITO ang mga bagong pasahe na nakatakdang ipatupad ng DOTC bago mag-Pasko kung matatapos ang pasahan ng bola sina Sec. Joseph Abaya at ang Economic Cluster ng Malakanyang. Batay ito sa sinasabi nilang “bagong fare matrix formula” na P11 boarding fee plus P1 per kilometer”.
Noon pa dapat Enero itinaas ang pasahe pero, tila takot ang DOTC sa magiging reaksyon ng 500,000 riders sa MRT3, 500,000” sa LRT 1 at 300,000 sa LRT2.
Sa LRT 1, mula sa ngayon na P20 mula Roosevelt, Quezon City, hanggang Baclaran, tataas ito ng P10.
Ang ngayong pasaheng P15 sa MRT 3 mula sa North Ave. hanggang Taft ay dadagdagan ng P13; samantalang ang P15 na pasahe ng LRT2 mula Recto hanggang Santolan ay may dagdag na P10. Mababawasan na naman ang take home pay ng ating mga commuters. Kung kayo’y MRT rider, na araw araw na sumasakay na balikan , ito’y bawas kita na P530 bawat buwan. Sa parehong LRT1 at LRT2 riders, ito’y bawas kita na P400 bawat buwan.
Sino ang hindi aalma rito?
Pero, patuloy na tumitindi ang pressure sa gobyerno na itaas agad ang pasahe matapos ang pag-award nila sa extension ng LRT1 at bagong 10 stations nito papuntang Cavite. Ayon kasi sa kontrata, bago pa man magpirmahan ang gobyerno at ang nanalong Light Rail Manila Consortium ng Ayala-Pangilinan group, nauna na dapat itinaas ang pamasahe sa LRT1.
At batay sa kwenta, kailangang itaas overnight ang tinawag nilang “significant hike” na 27 percent (P30) ang pasahe sa LRT1. At kapag sila’y nag-takeover sa Oktubre 2015, tataas ng 38 percent (P41) ang pasahe. Masakit man, kailangan daw itong ipatupad ng gobyerno at hindi sila pauutangin ng mga bangko dahil palugi daw ang operasyon ng LRT1.
Nakabitin ang lahat sa magiging timing ng DOTC at grupo ni Finance Sec. Cesar Purisima lalo pa’t gagawin itong “election issue”.
Aprub na ang taas ng pasahe kung kelan ito ipatutupad ay wala pang nakakaalam.
Deadline daw ng contractor ng LRT1 ay sa Oktubre 2015. Aatras daw sila pag walang fare increase.
Sa ngayon, umaabot ng P12 bilyon ang taunang subsidy ng gobyerno sa tatlong linya.
Para maitawid ito, ikinarga ng gobyerno sa 2015 proposed budget ang gastuin para mapigilan pansamantala ang fare hike.
Posibleng ikarga rin ito sa susunod na budget at ipasa na lang ang obligasyon sa susunod na administrasyon.
Isang malaking kapalpakan ang naging pamamahala ng Aquino administration sa MRT3,LRT1,LRT2 at kasama na ang PNR. Sa halip na umunlad ang pamamalakad sa mga ito lalong sumama ang serbisyo ng mga ito.
“Chop-chop” ang mga kontrata na ibinigay sa mga paborito at kakilala ng mga nasa poder. Sinubukan pang “tagain” ang Czech supplier ng mga bagon ng MRT3 kayat nagkawindang-windang ang mga plano.
Sa kabila nito bibilhin pa rin ng gobyerno ang MRT3 sa presyong P54B sa ilalim ng kasalukuyang budget. Isipin niyo, nahihirapan silang magbigay ng “P12-B subsidy” para sa pasahe ng mga commuters, pero merong pambili sa MRT3. Meron kayang kikita rito?
Sa dakong huli, ang mga commuters na naman ang papasan ng mga kapalpakang ito ng gobyerno. Walang habas ang ginagawang pananaga sa atin pero hindi naman maitaas ang sweldo!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.