IPINAGBAWAL na ng Korte Suprema ang PDAF o pork barrel ng mga senador at kongresista, pati na rin ang DAP, pero talagang napakatalino sa budget ng mga “matsing” ng Liberal Party at ibinaon ang mga “bagong bersyon” ng PDAF at DAP sa napakaraming mga “lump sum funds” sa 2015 national budget. Binago pa ang depinisyon ng “savings” para makalusot sa Korte.
Sa kainitan ng first and second reading ng budget, inalis ng DBM at Liberal Party ang mga kontrobersyal na “bilyun-bilyong pisong appropriations” at “savings definition” para mapabilis daw ang proseso.
Pero pagdating ng 3rd at final reading kung saan dapat amendments na lang ang pagtatalunan, biglang ipinasok ng mga alipores ng Palasyo ang “errata insertions” na typographical lamang daw. Pero ang totoo may mga bagong amyenda na isiniksik dito gaya ng P3.28-bilyong APEC funds.
Ang matindi pa, ibinalik ang “lump sum funds” pati ang isyu sa savings. At nang bubusisiin na ang mga ito, niratsada na ng mayorya ang diskusyon at ayun, mabilis na nagkabotohan. Sa botong 197-27, inaprubahan ng Kamara ang P2.6 trilyong 2015 budget nang di nasuri at puspusang pinagdebatehan ang mga kwestyonableng pondo.
Hindi pinag-usapan ang bagong depinisyon ng “savings” na una nang idineklarang ilegal ng Korte Suprema sa DAP. Sa pinalusot na depinisyon ng “savings”, may power ang presidente na ideklarang “savings” ang mga hindi nagastos na pera sa budyet ng alinmang ahensya anumang oras at ilipat kung saan niya ito balak ilagay.
Maliwanag na maraming itinatago ang ruling party sa 2015 budget at ito ay dahil sa paghahanda sa 2016 elections. Sa madaling salita, gagamitin ang pondo ng bayan para isulong ang kanilang reform agenda at ang kandidatura ng Liberal Party sa darating na halalan..
Tulad ng ginawa nila sa DAP at PDAF, bawat kakampi nilang mambabatas ay tiyak na “mauulingan” ng biyaya nito, lalong lalo na iyung nag-kumahog na 197congressmen. Tig-P100-million pesos na ba ang bagong “pork barrel” ng mga kongresista sa ilalim ng “kargadong budget”?
Ano naman kaya ang mangyayari sa proposed budget sa Senado? Sa tingin ko pikit-mata nilang aaprubahan ang budget, partikular na ang mga “lump sump funds” at “savings” ni DBM Secretary Butch Abad na pilit na ikinukubli. Sa tingin ko, hindi bababa sa tig-P400 milyon, o baka umabot pa nang tig-P600 milyon ang alok sa bawat senador kapalit nang agarang pagpasa ng 2015 budget.
Pero, tularan kaya ng mga senador ang ginawa ng mga kongresista at gamitin din ang “gimik’ na “errata insertions”? Magbubulag-bulagan din kaya ang mga senador dahil sa pera at hindi na rin kwestyunin ang bagong depinisyon ng “savings” ni Abad?
Pumayag kaya sina Senador Miriam Santiago, Serge Osmena, Chiz Escudero, Tito Sotto, Koko Pimentel, at iba pang senador daw ng bayan? Hindi kaya sila iimik sa usapin na ang 2015 national budget ay pwedeng ilipat-lipat na lang anumang oras at kahit saan?
Bantayan natin ang magaganap na magic sa ating Senado sa mga susunod na araw. Isang palabas na ang hino-hocus pocus ay walang iba kundi ang mha binayaran nating mga buwis, withholding taxes sa sweldo at bonus, value added taxes (VAT), na sa madaling salita, ay pawis at dugo ng sambayanang Pilipino.
Editor: May tanong, reaksyon sa kolum na ito? I-text ang PIKON, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.