P700M natagpuan sa vault ng aide ni Binay | Bandera

P700M natagpuan sa vault ng aide ni Binay

Ramon Tulfo - October 28, 2014 - 04:12 PM

PINAG-AAWAY ni Vice President Jojo Binay ang mga mayayaman at mahihirap sa ating bansa sa kanyang sinabi na ayaw siyang paupuin ng mga mayayaman sa Malakanyang.

Uring mahirap daw siya kaya’t ayaw ng mga mayayaman na siya’y maging Pangulo ng bansa, ani Jojo Binay.

Sa aking lugar sa Mindanao, kung saan karamihan ay Cebuano-speaking, ang tawag sa ganoong pagkukunwari ay hilas.

Kapag sinabi ng taga Mindanao ang katagang “hilas,” may kasamang paninindig ng balahibo.

Ibig sabihin ay naaasiwa o naaalibadbaran ang isang taong nahihilasan.

Paanong matanggap ng mga taong nakakikilala sa mga Binay na sila’y mahirap samantalang nagmamay-ari sila ng malawak na mga lupain sa Makati, Batangas at Bicol?

Paano masasabing mahirap ang mga Binay samantalang sila’y may pag-aari ng maraming units o lahat ng palapag ng isang bagong tayong condominium sa Makati City?

Kapag daw may itinatayo na condominium building noon sa Makati ay kailangang bigyan ang mga Binay ng isang unit.

Pero naging buong palapag na raw ang kanilang hinihingi sa developer, ayon sa mga balita na nanggagaling mismo sa mga developers na ayaw na lang magsalita sa publiko.

Kapag hindi naman kasi nila binigyan ng unit o buong palapag ang mga Binay ay di sila bibigyan ng building permit ng Makati City Hall.

Paano sasabihin ni Jojo na siya’y mahirap?

Oo nga’t mahirap siya noong di pa siya mayor ng Makati, pero ngayon ay bilyonaryo na siya.

Inilalarawan ni Binay na siya’y modern-day Robin Hood, isang kathang-isip na character sa literature na nagnanakaw sa mga mayayaman upang ipamigay sa mga mahihirap.

Kung sabagay tama ang pagsasalarawan ni Binay na siya’y isang Robin Hood.

Pero pinamamahagi ba niya ang kanyang mga ninanakaw sa mga mahihirap?

Ano ba naman yang walang lasang cake na binibigay sa mga nagbi-birthday na taga-Makati at mga bag ng mumurahing groceries sa Pasko at libreng sine sa mga nakatatanda?

Ang mga mahihirap ay ginigisa sa sarili nilang mantika dahil ang perang nilulustay sa kanila ng mga Binay ay nanggaling din sa kanilang mga buwis na binabayad nila sa gobiyerno.

Ang Office of the Ombudsman ay nag-iimbestiga ng mga diumano’y nakaw na kayamanan ng mga Binay sa pamamagitan ng field investigation unit nito.

Meron akong tip na istorya na ibibigay sa field investigation unit ng Ombudsman upang kanilang kumpirmahin.

Isang linggo matapos na mailibing ang dating Makati City Engineer Nelson Morales noong Sept. 15, 2012, binuksan ang built-in vault sa kanyang bahay sa Mandaluyong, sabi ng aking source.

Si Morales ay binaril at napatay noong Sept. 7, 2012 ng mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang guns-for-hire sa Malinao, Albay.

Hanggang ngayon ay di pa alam ang motibo sa pagpaslang sa kanya, pero isa sa mga salarin, na kinilalalang si Christian Saysay, 22 anyos, ay natagpuang patay sa bayan ng Ligao na may tama ng bala sa tiyan.

Ang bala ay nanggaling sa baril ng bodyguard ni Morales.

Ngayon, bumalik tayo sa pagbubukas ng vault.

Ang kapatid ni Morales, si Malinao Mayor Alice Morales, ay nakiusap kay Vice President Binay na mamagitan sa hidwaan ng pamilya tungkol sa pagbubukas ng vault, ayon sa aking source.

Ang legal wife kasi ng yumaong Morales na si Nena, nasa early 30s, ay ayaw pabuksan ang vault.

Ang vault ay malaki at puwedeng magkasya ang ilang tao sa loob, sabi ng aking source.

Pinadala ni Jojo Binay ang kanyang anak na si Mayor Junjun at dinala naman nito ang isang councilor, si Ferdie Eusebio, sa bahay ni Morales.

Dahil sa magandang pakiusap ay pumayag na rin daw si Nena na buksan ang vault.

Dahil di nila alam ang number combination ng vault ay pinatawag pa ang representatives ng kumpanya kung saan binili ang built-in vault.

Nang mabuksan ang vault, nagulantang ang mga taong naroon sa laman nito: P700 million in P1,000 at P500 bills.

Na-shock sina Junjun at Ferdie sa laki ng halaga at tinawag agad nila si Vice President Jojo.

Inangkin daw ni VP Jojo ang P500 million. Sinabi daw niya na ipinagkatiwala niya ito kay Morales na nalikom niya bilang campaign fund.

Ang batambata at inosenteng si Nena ay pumayag naman daw na ibigay ang P500 million sa mga Binay.

Natira sa kanya ay P200 million, ayon sa source.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Kung totoo ang sinasabi ng aking source, talagang ubod ng yaman ang mga Binay!

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending