Publiko kinukuryente ng DOE | Bandera

Publiko kinukuryente ng DOE

Leifbilly Begas - October 22, 2014 - 03:00 AM

NAGKABUKINGAN nga ba sa isyu kung kukulangin ang suplay ng kuryente sa tag-init ng 2015?

Sa hearing kamakalawa ng House committee on energy, lumalabas na meron naman pa lang sapat na suplay ng kuryente. Ito ay taliwas sa pagkakaintindi ng marami sa atin na matinding brownout ang mararanasan natin sa sa isang taon dahil walang maisusuplay ang mga planta.

Sabi sa hearing, liliit ang reserbang kuryente sa tag-init dahil tataas ang demand. Kaya ang gusto ng Department of Energy ay kumuha ng mga dagdag na magsusuplay.

Malamang ay natatakot ang DOE na biglang may pumalpak na planta ng kuryente at wala silang maipapalit sa mawawalang suplay.

Kaya naman nais ng ahensya na mapanatili sa mahigit 600 MegaWatt ang reserve power.

Pero kung wala namang papalpak na planta, hindi kailangan ng reserba.

Kung kukuha ang DOE ng dagdag na magsusuplay ng kuryente, nangangahulugan ito ng dagdag gastos sa ating mga konsumer.

Magamit man natin ang dagdag na reserve na kuryente o hindi, tiyak na magbabayad tayo.

Hindi man ito singilin sa atin, baka kunin naman ang pambayad dito sa Malampaya Fund, na pera rin ng taumbayan.

Kaya mukhang mas tama na ang gamitin ay ang Interruptible Load Program o ang pagpapa-andar ng mga naglalakihang generator set ng mga malalaking kompanya upang hindi na sila makihati pa sa mga maaaring isuplay ng mga planta ng kuryente.

Dahil mas mahal ang pagpapatakbo ng mga generator set, papalitan ng gobyerno ang kanilang magagastos,—at ang kapalit nito para sa ordinaryong mamamayan ay walang brownout.

At least, kung tatakbo lang ang generator set tsaka tayo magbabayad, hindi yung umandar man ang mga power barge o hindi ay bayad tayo.

Kung itutuloy ng mga miyembro ng Liberal Party ang paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Jejomar Binay, kakalas na ang Nationalist Peoples Coalition sa administrasyon.
Sa pahayag na ito ng NPC, parang sinabi na rin nila na si Binay ang susuportahan nila sa 2016 elections. Ganito pa kaaga ay nagkakaposisyunan na.
Alam na ng Liberal Party na hindi sa kanila mapupunta ang NPC kaya ang tanong ay kung ano ang kanilang gagawin dito.
Nais ng LP na maglarga ng kandidato sa paparating na presidential election—at bakit nga naman hindi, sila ang nasa poder, nasa kanila ang resources ng gobyerno.
Ang tanong na lang ay kung si Interior Sec. Mar Roxas ba ito o hindi?
At kung hindi si Roxas ang tatakbo para sa administrasyon, magbago pa kaya ang isip ng mga taga-NPC at iwanan din si Binay lalo na kung tuluy-tuloy ang pagbaba ng ra-ting nito sa mga survey?
Masyadong maaga ang ang pagsisimula ng susunod na eleksyon dahil sa deklarasyon ni Binay na tatakbo siya sa pagkapangulo.

Nagsalita na si Pangulong Aquino kaugnay ng meeting nila ni Binay sa Bahay Pangarap.

Sabi ni PNoy nais ni Binay na kausapin nito ang mga maka-administrasyong senador upang tantanan na siya sa isinasagawang imbestigas-yon kaugnay ng umano’y overpriced na Makati City parking building.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Ang sagot ni PNoy, hindi kami magiimbento ng ebidensya laban sayo.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending