Mga Laro Bukas
(Mall of Asia Arena)
11 a.m. Mapua vs San Beda (jrs)
1:30 p.m. Arellano vs San Beda (srs)
IPINAKITA ng San Beda ang kalidad ng pagiging isang four-time defending champion nang kalusin ang Arellano, 74-66, sa Game One ng 90th NCAA men’s basketball Finals kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang mga starters na sina Baser Amer, Ola Adeogun, Anthony Semerad at Art dela Cruz Jr. ay tumipa ng double digit na puntos para magdomina ang Red Lions mula sa simula hanggang sa natapos ang labanan tungo sa mahalagang 1-0 kalamangan sa best-of-three series.
Magkikita uli ang Red Lions at Chiefs bukas at totodo uli ang tropa ni San Beda coach Boyet Fernandez para makagawa ng kasaysayan sa kanilang prangkisa.
“The boys really played well. They responded well to the challenge,” wika ni Fernandez na nais na matuhog ang ikalawang sunod na kampeonato sa liga.
“But we just won one game, we still have to win one more and hopefully we can maintain our form in the next game,” dagdag ni Fernandez.
Bumanat agad ng magkahiwalay na triples sina Amer at Semerad para itulak ang Red Lions sa 11-0 kalamangan.
Lumobo ito sa pinakamalaki sa laro na 15 puntos, 26-11, bago inilabas ang mga starters ng Red Lions.
Sinamantala ito ng Chiefs at sina Keith Agovida, John Pinto at Nichole John Bangga ay nagsanib sa 20-5 palitan para maitakda ang una’t-huling tabla sa laro sa 31-all.
Ipinasok ni Semerad ang ikalawang tres sa first half para sa 9-0 run at 40-31 bentahe sa halftime.
Sina Adeogun at Kyle Pascual ay nanalasa sa ilalim habang tig-isang triples ang ginawa nina Amer at Dan Sara para iakyat uli sa double digit ang bentahe, 50-37. Hindi na nakabawi pa ang Chiefs dahil ang pinakamalapit na dikit ay sa limang puntos, 61-56, sa kalagitnaan ng huling yugto.
May solidong 17 puntos, pitong assists at limang rebounds si Amer, si Adeogun ay may 14 puntos, 14 rebounds at apat na blocks habang si Semerad ay may 14, 12 rito ay ibinagsak sa first half.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.