WALA nang makapipigil kay boxing superstar at Sarangani Rep. Manny Pacquiao sa pagtakbo bilang gobernador ng probinsiya sa halalan sa 2013.
Sa kanyang panayam kay Korina Sanchez sa radyo, i-namin ni Pacquiao na plano niyang tumakbo sa mas mataas na posisyon.
“Maggo-governor ako,” hirit niya sabay dagdag na gusto niyang mas marami siyang kababayan ng matutulungan.
Isiniwalat din niya na masaya siya sa kanyang ginagawang pagsilbi sa kanyang mga kababayan.
Inamin din niya na kadalasan ay mula sa kanyang bulsa at hindi sa kaban ng bayan ang itinutulong niya sa mahihirap. “Alam ito ng Diyos,” dagdag niya.
Samantala, bumuwelta naman ang boxing champ sa umano’y ginagawang pangha-harass sa kanya ng Bureau of Internal Revenue makaraang sampahan siya ng tax evasion.
“Sa tingin ko ay may harassment na nangyayari,” aniya sa naturang panayam.
Dagdag niya, hindi niya kailanman tinakasan ang kanyang obligasyon at hindi rin siya nandaya sa ibinayad na buwis.
Kamakailan ay sinampahan si Pacquiao ng kasong paglabag sa Section 266 o failure to obey summon sa ilalim ng National Internal Revenue Code.
Pero aniya, hindi siya naabisuhan ng BIR dahil may laban siya sa US noon.
“Yung 2010 na tax ko ang pagkakaalam ko ay natagalan sa Amerika kaya nahirapang mag-file dito sa Pilipinas,” paliwanag niya. “Kailangan kasi ang ITR ko sa Amerika para mai-file dito sa Pilipinas.”
Idinagdag niya na bago ang pagsasampa ng kaso ay pumunta sa tanggapan ng BIR General Santos City ang isa niyang tauhan subalit hindi umano tinanggap ang kanyang mga papeles.
Itinanggi naman niya na galit siya kay BIR commissioner Kim Henares. “God bless,” aniya lang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.