US Marine suspek sa pagpatay sa bading
HAWAK na ng US Navy ang isang sundalo nito na itinuturong pumatay sa isang Pinoy transgender sa Olongapo City kamakailan.
Isinasailalim na rin sa imbestigasyon ang sinasabing U.S. Marines na kabilang sa mga sundalong nasa bansa para sa pagsasanay kasama ang pwersa ng Pilipinas sa ilalim ng Visiting Forces Agreement.
Kinumpirma ng U.S. Embassy ang impormasyon at sinabing makikipag-ugnayan ang Estados Unidos sa mga lokal na ahensiyang nag-iimbestiga sa pagkamatay ni Jeffrey Laude.
“A U.S. Marine has been identified as a possible suspect in the ongoing investigation. The United States will continue to fully cooperate with Philippine law enforcement authorities in every aspect of the investigation,” sabi ng Embassy sa isang kalatas.
Kaugnay nito, pinahinto muna ni U.S. Pacific Command chief Adm. Samuel Locklear ang pagpapauwi sa mga barko at sundalo ng U.S. na sumali sa katatapos lang na amphibious landing exercises sa Pilipinas.
Ang mga apektadong barko ay ang USS Peleliu at USS Germantown, na may kargang aabot sa 2,000 sundalong Amerikano.
Kasalukuyang nasa bansa si Locklear para dumalo sa pagpupulong ng Mutual Defense Board ng U.S. at Pilipinas.
Nakikipag-ugnayan na ang U.S. Naval Criminal Investigation Service sa imbestigasyon ng Philippine National Police sa pagkamatay ni Laude, ani Galvez.
Natagpuang patay si Laude, gumagamit ng alyas na “Jennifer,” sa isang silid ng Celzone Lodge ng Brgy. East Tapinac, Olongapo City, dakong alas-11:45 ng gabi Sabado.
Nakasubsob si Laude sa toilet bowl, nakahubo pero bahagyang natatakpan ng kumot, may mga pinsala sa leeg, at nakalabas ang dila, ayon sa ulat ng Central Luzon regional police.
Lumabas sa pangunang imbestigasyon na nag-check in si Laude at isang banyaga sa Celzone Lodge pasado alas-10 ng gabi Sabado, pero mag-isang umalis ang huli alas-11:30.
Sinabi sa pulisya ni Mark Clarence “Barbie” Gelviro na bago ito ay nakilala niya at ni Laude ang banyaga sa Ambyanz disco bar, at niyaya sila nitong sumama sa otel.
Nang mag-check in ay pinaalis umano ni Laude si Gelviro, bago madiskubre ng banyaga na pareho silang bakla, ayon sa ulat.
Inilarawan ni Gelviro ang banyaga bilang maputi, may taas na 5’8″ hanggang 5’10,” at naka-“marine haircut,” ayon sa pulisya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.