Marami na ring pumapansin sa bagong anyo ngayon ni Charice Pempengco.
May mga nagkakagusto sa pagpapaigsi niya ng buhok, meron namang kontra, lalong maraming tumutuligsa sa pagpapalagay niya ng tattoo sa braso.
Siguro nga ay hindi pa handa ang ating mga kababayan na tanggapin na umusad na nang pasulong hindi lang ang karera kundi pati ang edad ng magaling na singer.
Hindi pa rin makalimutan ng ating mga kababayan ang batang Charice Pempengco na naging kalahok noon sa isang pambatang paligsahan sa pagkanta.
Pero napakatagal na nu’n, malayo na ang narating ng child singer noon, mas sumikat pa nga muna siya sa ibang bansa bago dito sa atin.
Dahil du’n ay naninibago ang mas nakararami sa kanya, masyado na raw siyang nagmamatapang sa pagbabagong-anyo, parang pati raw ang kulturang kinalakihan niya ay gusto nang talikuran ni Charice.
Ang pagpapagupit niya ng maigsing buhok ay bahagi ng kanyang pag-usad bilang performer, ang pagpapa-tattoo niya naman ay isang uri ng sining, gusto lang lumaya ni Charice sa kanyang lumang itsura.
Hindi lang siguro naging maganda ang kanyang paliwanag sa pa-slang niyang pagsasalita ng Ingles, pero kung ginawa niya ang pangangatwiran sa wikang Pilipino ay mas maiintindihan siya ng ating mga kababayan, hindi kaiinisan na tulad ngayon.
Ikinukumpara ang kanyang itsura ngayon kina Aiza Seguerra at Maverick, magkakamukha na raw sila, dahil dumikit ang itsura niya sa dalawang pesonalidad.
Para sa amin ay pasable lang ang ginawa ni Charice Pempengco, ang boses niya naman ang hinangaan natin at hindi ang kanyang itim na itim na mahabang buhok at brasong walang tattoo, walang masama sa aming pananaw ang biglaan niyang pagbabago ng itsura.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.