Kylie kay Rayver: Hindi po siya ang type kong lalaki!
HUMANGA kami kay Kylie Padilla sa diretso niyang pagsagot sa mga tanong sa ginanap na presscon ng horror film na “Dilim” na pinagbibidahan nila ni Rayver Cruz mula sa Regal Films na idinirek ni Jose Javier Reyes.
Napansin ng entertainment media na dumalo sa presscon na walang ginawa sina Rayver at Kylie kundi magkulitan at magtawanan. Napansin din naming kilig-kiligan ang dalawa.
Kaya ang tanong namin, gimik lang ba ito para pag-usapan ang pelikula nilang “Dilim”? Sa solo interview namin kay Kylie ay tinanong namin siya kung totoong kinikilig siya kay Rayver o gimik lang, “Siyempre, totoo po ‘yun, hindi naman ako plastic na tao,” mabilis na sabi ni Kylie.
Nagparamdam na ba si Rayver sa kanya dahil balitang type rin siya ng binata, “Wala pa po, alam niya po kasing kagagaling ko lang sa break-up, so nirerespeto niya ‘yun at gusto ko rin naman ‘yun.
Ayoko rin pong madaliin kung meron man,” anito. Diretsong inamin ni Kylie na hindi si Rayver ang tipo niyang lalaki, “Actually hindi po, kasi ang type ko talaga is moreno (tulad ni Aljur Abrenica).
Pero wala naman po sa itsura ‘yun, sa ugali siguro.” Ayon sa dalaga, kilala na ng tatay niyang si Robin Padilla si Rayver at sinabing mabait ito at gusto niya para kay Kylie, “Boto po naman, kasi sabi niya mabait.”
Nang makapanayam namin dati si Robin sa taping ng To The Max ay tinanong namin kung boto siya kay Aljur, ang mabilis na sabi ng action star ay, “Paano ka boboto o magugustuhan ang taong hindi naman humaharap o nakikipag-usap? Ni hindi inaamin ang anak ko?”
Hindi pa kasi inaamin noon ni Aljur sa publiko ang relasyon nila ni Kylie kasi nga may iniingatan siyang ka-loveteam, kaya sa sinabi ni Binoe na mabait si Rayver ay “big word” ‘yun para sa amin.
“Opo, big word nga po, I think si papa naman ayaw din niyang magka-relasyon ako agad (pagkatapos ng break-up), gusto rin naman niya na pagaling muna, concentrate muna sa work, appreciate muna ‘yung mga blessings.
Kaya sa sinabi niyang ‘yun kay Rayver, ay hindi ibig sabihin ay ‘go’,” katwiran ng dalaga. Kamakailan lang pala naghiwalay sina Kylie at Aljur at okay na raw sila ngayon pero hindi na sila close.
Na-trauma ba si Kylie sa pagkikipag-relasyon niya kay Aljur? “Siguro nu’ng nangyari po, pero unti-unti nawawala na po kasi ang daming blessings talaga. ‘Yan ang sinasabi na may kapalit lahat at doon po ako nagpapasalamat,” anang aktres.
Samantala, may planong mag-aral si Kylie ngayong second sementer pero short course lang daw, “Gusto ko ng music, photography, writing, short courses lang.
Ayoko po ng 4-year course kasi na-extend, ayoko po ng putul-putol (pag may project), kaya gusto ko short course lang.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.