Paulo: Grabe! hindi lasengga si KC!
Tigas pa rin ang pagtanggi ni Paulo Avelino sa napapabalitang relasyon nila ni KC Concepcion. Sa kabila ng mga balitang matagal na silang nagkakamabutihan ng anak ni Megastar Sharon Cuneta ay todo deny pa rin ang Kapamilya actor.
“Best friends” lang daw talaga sila ni KC, ang pahayag ni Paulo sa thanksgiving presscon ng Primetime Bida series nila ni Bea Alonzo, ang Sana Bukas Pa Ang Kahapon, na malapit na ngang magtapos.
“Tulad siguro ng sinagot ni KC sa Kris TV, we’re just friends. Nag-uusap naman kami, ever since, hindi naman nawawala yun. Kumbaga, wala namang nagbago and siguro… ayun, we’re friends, we’re friends.
“Pareho naman kaming nagtatrabaho ngayon, pareho kaming nagku-concentrate sa trabaho namin, so ganu’n muna,” paliwanag ni Paulo.
Natanong ang binata na hindi kaya na-friend zone ang relasyon nila ni KC? O, baka naman siya lang ang may gusto kay KC pero hanggang friendship lang ang maibibigay ng dalaga? “Hindi naman, dahil we were friends talaga ever since… and yun, parang hindi naman.”
May humirit naman na baka kaya hindi pa lume-level up ang relasyon nila ni KC ay dahil takot siya sa commitment? “No. Committing is different, e. Parang siguro, now, andami ring kailangang pagtuunan ng pansin.
We’re both busy and, yun nga, ‘di ba, hindi mo naman malalaman kung sino ang makakatuluyan mo until you give or spend time with the person.”
Nagpaliwanag din si Paulo tungkol sa kumalat na litrato nila ni KC sa internet kasama ang ilang kaibigan, ayon sa ilang bashers, lasing daw sila ng dalaga, “Grabe naman, hindi naman lasing.
Siyempre we were having drinks with friends, and parang hindi naman lasing yun. Nagkataon lang na yung promotion ng bar na parang nakunan ng picture. Pero it’s not, it’s not… never naman naglasing yun.”
Samantala, magkahalong saya ay lungkot ang nararamdaman ngayon ni Paulo dahil matatapos na nga ang serye nilang Sana Bukas Pa Ang Kahapon.
Pero sabi nga, some good things never last, “Pero maganda na rin ‘yung magtapos kami on a high note, yung marami pang nanonood. At sinisiguro namin sa kanila na magiging pasabog ang ending namin.”
Ano ang realization niya gayong matatapos na ang serye nila ni Bea? “Siguro ang natutunan ko, minsan may mga mararanasan ka talagang akala mo tapos na yung buhay mo, na parang nawawalan ka na ng ganang mabuhay.
Huwag ka mawalan ng pag-asa dahil may dumarating talaga. Kumbaga, hindi pa tapos ang lahat, tulad ng role ko bilang Patrick may liwanag pa rin sa buhay.”
Mapapanood pa ang Sana Bukas Pa Ang Kahapon sa ABS-CBN Primetime Bida pagkatapos ng Ikaw Lamang hanggang sa Oct. 10, sa direksiyon nina Jerome Pobocan at Trina Dayrit. Kasama rin dito sina Ms. Susan Roces, Albert Martinez, ang kinaiinisan ng lahat ng manonood na si Maricar Reyes, Tonton Gutierrez, Eddie Garcia, Dina Bonnevie at marami pang iba.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.