Mas gutom ang NU Bulldogs | Bandera

Mas gutom ang NU Bulldogs

Barry Pascua - October 03, 2014 - 12:00 PM

TAONG 1970 pa huling nakarating sa Finals ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) men’s baskeball tournament ang National University Bulldogs.

Pero taong 1954 pa huling nagkampeon ang Bulldogs!

Ang tagal na nun ah!

Nang magkampeon sila ay hindi pa ako ipinapanganak. I’m sure majority ng bumabasa ng pitak na ito ngayon ay hindi pa rin ipinapanganak noon.

Biruin mong 60 years ago na iyon! Wow!

E, nung 1970 nang umabot sila sa Finals ng UAAP ay hindi pa ako sportswriter. Nasa elementarya pa lang ako nun. Hindi pa idinedeklara ang Martial Law. At sa pagkakatanda ko ay anim lang ang miyembro ng UAAP noon.

Itinuturing na powerhouse ng UAAP sa mga panahong iyon ang University of the East at University of Santo Tomas na pinanggalingan ng mga manlalarong tulad nina Robert Jaworski, Jimmy Mariano, Bogs Adornado, Danny Florencio at iba pa.

Sa totoo lang, matapos na talunin ng NU Bulldogs ang Ateneo Blue Eagles, 65-63, noong Miyerkules ay ginalugad ko na ang Google (o ginugel ko na ang internet) upang hanapin ang mga miyembro ng 1970 NU men’s basketball team. Pero wala akong natagpuan sa internet. Kahit na sa website ng NU ay hindi ko nakita, e. Namuti lang ang mga mata ko!
Tsk, tsk, tsk! Ganoon na talaga katagal.

At dahil nga sa talunan ang NU sa mga nakaraang panahon, walang nag-abala na buuin ang history ng NU men’s basketball team.

Kung tatanungin ang mga batang sumusubaybay sa UAAP hinggil sa NU, malamang na ang mga pangalang ibigay nila sa iyo ay ‘yung kina Danny Ildefonso at Lordy Tugade na mga Bulldogs na nakaakyat sa PBA. Baka nga nakalimutan nilang si Cris Bolado ay produkto ng NU.

Mula kasi ng maging sportswriter ako, ang NU ay isang talunang team sa UAAP. Kadalasan ay 0-14 ang record ng Bulldogs. Pero mayroong mga seasons na nakakatsamba ng isang panalo ang tropang dating ginagabayan ni coach Sonny Paguia.

At sa tuwing makakasilat ang NU, isa lang ang sasabihin ni coach Sonny. “Maganda ang gising ng mga bata!”

Sa totoo lang, big joke ang Bulldogs noon. At nakakahiya kapag tinalo ka ng Bulldogs!

Nagsimula lang mapansin ang Bulldogs nang hawakan sila ni Manny Dandan at makarating sa Final Four sa unang pagkakataon. Pero nagkaganoon man ay hindi naman talaga sila naging title contenders.

Hanggang sa ibuhos ng bagong may-ari ng NU ang suporta nito sa Bulldogs. Kinuha muna nila si Edmundo Baculi bilang athletic director. Ni-revamp naman ni Baculi ang sports program ng eskuwelahan. Iniluklok bilang coach ng men’s basketball team si Eric Altamirano tatlong taon na ang nakalilipas.

At ngayon nga ay nakarating na sila sa Finals kung saan katagpo nila sa best-of-three ang Far Eastern University Tamaraws.

Siyempre, ngayong nasa Finals na sila, hangad nila na makamtan ang kampeonato. Kaya lang, hindi pa nila tinatalo sa dalawang beses na pagkikita sa elimination round ang Tamaraws.

Basehan ba iyon para sabihing hindi nila kayang talunin ang FEU sa Finals?

Hindi siguro.

Mas gutom ang Bulldogs kaysa sa Tamaraws.

Animnapung taong paghihintay ang nais nilang wakasan!

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

* * *
Happy birthday kina KC Enriquez at Emmet Penson na nagdiriwang ngayon, October 3. Gayundin kina Jaroensri Bualee, Rhonalyn Cedilla at jockey FN Ortiz (Oct. 4), LJ Moreno-Alapag (Oct. 5), Tagumpay Uniko Pascua, Pat Dilema, Ed Paez, Paul Doctolero at Renan Reyes (Oct. 6), Beth Repizo Lacson, Ira Maniquis, MIT High batchmate Ferdinand Romero (Oct. 7), anak kong si Illuminada Pascua-Obias (Oct. 8) at Amy Desales Reyes (Oct. 9).

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending