LAKING-gulat ng isa nating kababayan na si Amancia Calvo nang mag-apply siya bilang hospital cleaner dahil hiningan siya ng P100,000 na placement fee.
Isang Pilipinong dating cleaner din ngunit supervisor na ngayon sa Kuwait ang nag-recruit kay Amancia.
Ang kabuuang halagang hiningi sa kanya ay P29,400 bilang placement fee. Direct hiring daw ang proseso.
Nagbigay si Amancia ng P14,700 at dalawang buwan siyang naghintay sa ipadadala raw na visa mula sa Kuwait.
Ayon sa kanyang recruiter, hindi niya makukuha ang visa hanggang hindi pa niya nakukumpleto ang kabuuang P29,400.
Sa kagustuhan ni Amancia na makaalis na, nakiusap siya na idadaan na lang sa salary deduction ang kalahati ng kanyang placement fee dahil wala na talaga siyang mapagkukunan ng kailangang pera.
Bukod pa sa P29,400, kailangan pa nilang mag-produce ng halagang P66,000 para naman sa processing at plane ticket patungong Kuwait.
Walang agency na ginagamit ang grupong ito sa Pilipinas at may tao lamang na siyang pinagpapadalhan ng visa para sa kanilang mga recruits at ang tao ding iyon ang siyang kumokontak sa kanila upang makapagpa-medical at nangangakong bahala na sa kanilang mga dokumento.
Naniwala si Amancia na marami nang napaalis patungong ibang bansa ang kanyang recruiter ngunit marami rin ang umuurong dahil hindi kayang punan ang P100,000 na kailangan sa pag-alis.
Nang makausap namin mula sa Kuwait ang recruiter ni Amancia, nagalit ito sa huli at bakit daw ito nagsumbong. Sa tono ng pananalita nito, alam niyang may mali sa kanilang ginagawa kung kaya’t nagulat ito nang malamang nakapagsumbong na sa Bantay OCW si Amancia.
Ayon sa recruiter, napakarami na umano nilang napaalis. Pero ang tanong, paano ito nagpo-proseso sa POEA kung walang lokal na ahensiyang ginagamit dito?
Bukod dito ay napakamahal nang kanilang sinisingil.
Ang ganitong mga uri ng recruitment ay dapat maiparating sa POEA. Marami kasing naaabusong mga kababayan natin na talagang gustong makapag-abroad agad-agad kaya kung minsan ay hindi na kinikilatis nang husto ang mga kinakausap. O sadyang masyado lamang ba talagang mapagtiwala ang ating mga kababayan.
Kung kayo ay naga-aply na makapagtrabaho sa abroad, o sinuman sa inyong mga kaanak, mag-ingat sa mga mapagsamantalang kababayan.
Huwag agad-agad magtitiwala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.