3 Pinoy sanda artists target ang semis sa Incheon Asiad
KAKAPIT ang Team Philippines sa husay ng tatlong sanda artists para makakuha na ng medalya sa Asian Games sa Incheon Korea.
Sina Jean Claude Saclag (men’s –60kg), Francisco Solis (men’s -56kg) at Divine Wally (women’s -52kg) ay pare-parehong umabante sa quarterfinals ngayong araw at kailangan ang panalo upang umabante sa semifinals at makatiyak ng tansong medalya.
Kalaban si Saclag si Hendrik Tarigan ng Indonesia, si Solis ay makakatapat si Ting Hong Wong ng Hong Kong at si Wally ay masusukat sa Korean bet Kim Hyebin.
Bumagsak ang Pilipinas sa ikalawang araw ng kompetisyon kahapon nang namaalam ang mga pambato sa iba’t-ibang sports.
Kasama sa minalas ay ang ikaapat na sanda artist na si Clemente Tabugara Jr. na lumasap ng1-0 pagkatalo kay Mohsen Mohammadseifi ng Iran sa men’s -65kg.
Si Fil-Japanese judoka ay nanalo sa kanyang unang laban sa women’s -63kg laban kay Gulnar Hayytbayeva pero natalo siya sa kababayang si Kana Abe ng Japan sa second round at kay Marian Urdabayeva ng Kazakhstan sa repecharge para mamaalam na.
Ang isa pang pambato sa judo na si Gilbert Ramirez ay tinalo ni Dastan Ykybayev ng Kazakhstan sa unang laban sa men’s -73kg.
Talsik na rin ang mga pambato sa men’s at women’s tennis habang ang mga trap shooters na sina Hagen Topacio at Eric Ang ay pahinga na.
Lumasap ng 2-1 pagkatalo ang Pilipinas sa Chinese Taipei sa men’s tennis habang 3-0 pagkakadurog ang inabot ng women’s team sa host South Korea.
Si Topacio ay nalagay sa 28th puwesto sa 112 puntos matapos ang limang rounds habang si Ang ay nasa 37th place sa 108 puntos sa 46 shooters na naglaban.
Ang Olympian swimmer na si Jessie King Lacuna ay tumapos lamang sa 15th sa 25 swimmers na sumali sa men’s 200m freestyle sa 1:53.20.
Habang ang 150 pambansang atleta ay nangangarap pa na makatikim ng medalya, ang mga Southeast Asian countries na Vietnam at Malaysia ay may ginto na.
Nasa ikapitong puwesto ang Vietnam tangan ang 1-2-4 gold, silver at bronze medals habang ang Malaysia na may 1 ginto at 1 pilak ay nasa ikasiyam na puwesto.
Ang South Korea at China ay magkatabla sa tig-12 panalo pero nasa unang puwesto ang host sa pagkakaroon ng 10 pilak at 9 tansong medalya kumpara sa 9 silver at 11 bronze ng China.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.