Ate Guy kinakalaban ang TV5, walang utang na loob?
Sa mga umpukang-showbiz ay paboritong pagpistahan ngayon ang mga pasaring at disgusto ni Nora Aunor sa TV5.
Hindi nagustuhan ng mga kababayan natin ang kanyang mga reklamo, dahil pagkatapos nang walong taong pamamalagi sa Amerika dahil wala na nga siyang ginagawa dito sa Pilipinas, ang TV5 ang nagbigay sa kanya ng ikalawang pagkakataon para muling makabalik sa gitna ng laban.
Napakalaking tulong ang ibinigay sa kanya ng network, hindi matapus-tapos nu’n ang pagsusuob ng mga papuri at pasasalamat ng Superstar sa TV5, pero ngayon ay iba na ang tono ng kanyang mga pananalita.
Pinabayaan daw siya ng istasyon, dalawang teleserye lang daw ang ibinigay sa kanya at ang mga sumunod ay puro guestings na lang, nang magkasakit daw siya ay ibinawas pa ng TV5 ang nagastos sa ospital sa kanyang kontrata.
Ayaw nang makipag-argumento pa sa kanya ng mga tagapamuno ng TV5, kung ayaw na raw pumirma uli ng kontrata ni Nora sa istasyon sa pagtatapos ng kanyang kontrata ngayong Oktubre ay karapatan niya ‘yun, good luck na lang ang masasabi ng network sa kanya.
“Nakakalungkot naman ang ginawa ni Ate Guy, sa halip na pasalamatan niya ang TV5 sa matinding tulong na ibinigay sa pagbabalik niya, ang network pa pala ang nagkulang sa kanya,” napapailing na komento ng isang nirerespetong direktor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.