Ate Guy desidido na…kakasuhan ang taong sumira sa boses niya
HANGGANG ngayon pala ay plano pa ring ipaopera ni Ms. Nora Aunor ang kanyang lalamunan para bumalik na ang dati nitong boses.
Ito ang kuwento ni Ate Guy nang makatsikahan namin sa nakaraang presscon ng drama-horror movie na “Dementia” sa direksiyon ni Perci Intalan.
Ayon kay Ms. Nora ay matuloy na sana ang plano niyang pagpapaopera sa Boston, USA. Nakatakda siyang umalis ng bansa patungong Amerika ngayong buwan para sa ibibigay na award sa kanya ng mga kababayan nating Pinoy sa New York, USA.
“Malapit na sa Boston (New York) so iyon ang plano ko ngayon na tutuloy ako ng Boston. Kasi, wala na e, ang dami ko nang ginawang (para maibalik ang boses), gusto ko nang kumanta talaga.
Kaya tulungan n’yo ako na matuloy na ngayon ang pagpapa-opera ko.” Hindi itinanggi ng Superstar na nami-miss na niyang kumanta at mag-perform nang live.
“Oo naman, kasi diyan ako nag-umpisa (mang-aawit), bago ako nag-artista, mang-aawit muna ako. Saka nahihirapan din ako sa shooting, sa dialogue, kapag sumisigaw ako, naiiba ang boses ko hindi ako makapagtaas ng boses, kaya napu-frustrate rin ako, eh, maski na ginagawa ko ‘yung dapat gawin ng isang artista, kapag naririnig kong sira ‘yung boses ko at hindi ko nagugustuhan, malaking diperensiya, eh.
Alam ko mababalik naman (boses), operasyon lang talaga ang kailangan,” pahayag pa ng premyadong aktres. Dagdag pa nito, “Naano (nahihiya) nga ako kasi balita ako ng balitang magpapa-opera tapos hindi naman natutuloy, hindi ako makaalis, eh, hindi ako pinapayagan.”
Samantala, planong makipag-usap ni ate Guy kay Atty. Lorna Kapunan para sa planong sampahan ng kaso ang taong naging dahilan nang pagkawala ng boses niya.
“Itutuloy ko talaga ‘yun, naghahanap lang ako ng tiyempo, ‘wag na nating pag-usapan dito. Mag-uusap palang kami (Atty. Kapunan),” sey ni Ate Guy.
Pagkatapos ipalabas ng “Dementia” sa Set. 24 na idi-distribute ng Regal Films mula sa Octobertrain Films at The Idea First Company, na pag-aari rin ni direk Perci Intalan, ay isusunod naman ang pelikulang “Padre de Pamilya” kasama si Coco Martin sa Oktubre at “Whistle Blower” sa Nobyembre.
Okay na ba sina ate Guy at Coco dahil matatandaang nagkaroon sila ng isyu noon. “Wala ng problema, nag-text na siya sa akin, humingi naman siya ng sorry, okay lang ‘yun, anak ko rin naman ‘yun,” mabilis na sagot ng Superstar.
At willing daw si Nora na mag-promote silang dalawa ni Coco ng “Padre de Pamilya”. Malamang sa ABS-CBN magpo-promote si Ate Guy dahil tiyak na sa Star Cinema ito ipapa-distribute ng mga producer na sina Coco at manager nitong si Biboy Arboleda.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.