SA wakas, unti-unti nang nauunawaan ng arawang obrero ang pinakamagastos at pinakamahal na tsubibuhang nagaganap sa Senado, ang bistang impeachment ni Chief Justice Renato Corona.
Nauunawaan na ito ng taumbayan kapag ibabase ang paggawad ng desisyon ng mga senador sa “opinyon ng publiko,” na opinyon din daw ni Pangulong Aquino.
Ito rin daw ang opinyon sa University of the Philippines-Diliman (na ang reaksyon ni Senate President Juan Ponce Enrile ay mali ang opinyon at inutusan niyang mag-aral nang mabuti ang mga estudyanteng tinutustusan ng buwis ng arawang obrero).
Nauunawaan na ito ng taumbayan kapag ibabase ang paggawad ng desisyon ng mga senador sa politika at partido, lalo na ang kanilang mga plano sa eleksyon sa 2013 at 2016; o ang pagkakampihan ng Liberal Party at PDP-Laban ni Vice President Jejomar Binay.
At mas lalong nauunawaan ito ng taumbayan kung ang pagbabasehan ay ang gapangan sa bawat senador na tatayong hukom at gagawad ng kanya-kanyang boto kung ididiin si Corona o ipawawaalang-sala at muling manunungkulan bilang punong mahistrador ng Korte Suprema.
Madali lang maunawaan, ayon sa arawang obrero, dahil ganito rin ang mga basehan ng ilang mga kaso sa barangay, mula sa pagsusumbong, paghaharap hanggang sa makarating sa lupon (kung makararating pa).
Meron ding opinyon ng publiko, lalo na kung ang kalaban ay bagong salta sa barangay o di residente ng barangay at walang kalaban-laban sa opinyon ng barangay.
Meron ding politika at partido sa barangay, dahil kapag hindi dikit sa administrasyon ang inireklamo at kinampihan nina kapitan, kagawad at mga tanod ang kanilang manok ay talo na ang kabilang partido.
Meron din namang gapangan sa ilang kaso sa barangay, dahil kapag gumapang ang maiimpluwesiyang opisyal ay tiyak na talo ang kabilang partido.
Pero, higit sa lahat ay tuwang-tuwa ang arawang obrero sa sinabi ni Marikina Rep. Miro Quimbo, ang dating kaalyado ni Pampanga Rep. Gloria Arroyo at nabahiran ng kontrobersiya sa usaping Globe-Asiatique (kung bakit libre siya rito ay di alam ng taumbayan, pero nauunawaan naman ng mga nakapuwesto dilaw).
Para kay Quimbo, ipagdarasal na lang nila na pumanig sa kanila si Sen. Miriam Santiago (We’re praying that she will take our side, ani Quimbo).
Marunong din namang magdasal ang arawang obrero, ang taumbayan. Puwede rin silang pakinggan ng Maykapal, tulad ng mataimtim na misyon kamakailan sa Luneta.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.